Apat na Pinoy sa hinarang na barko ng Iran, ligtas

0
255

Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa ligtas na kalagayan ang apat na Pilipino na sakay ng container ship na MSC Aries, na kamakailan ay hinuli ng mga awtoridad sa Iran.

Sa pahayag ni DMW Officer-In-Charge (OIC) Hans Leo Cacdac, sinabi niyang ayon sa pinakabagong impormasyon na kanilang natanggap, ang lahat ng hindi pinangalanang tripulante ay “safe and sound”. Kasalukuyan pa rin silang nakaangkla sa Port of Iran.

Sinabi ni Cacdac na patuloy silang humihingi ng pagkakataon na makausap ang mga naturang Pinoy, pati na rin ang kanilang mga pamilya. Nakumpirma rin nila na nakipag-ugnayan na ang DMW sa mga kamag-anak ang mga tripulante at tiniyak na bibigyan sila ng buong suporta ng pamahalaan.

Nag-uugnay na rin ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa diplomatikong pakikipagpulong sa pamahalaan ng Iran. Gayunpaman, hindi pa nila maibigay ang eksaktong oras kung kailan nila makakausap ang mga Pinoy at kung kailan sila papayagang makauwi ng Pilipinas.

Batay sa ulat, 2:30 ng hapon noong Sabado habang naglalayag ang MSC Aries patungong India mula sa Abu Dhabi, sumampa ang Iranian Navy sa barko at sinamsam at dinala sa Iran.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo