MAYNILA — Bumaba ang approval rating ng Senado at ng House of Representatives batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, kasunod ng mga isyung kinaharap ng ilang mambabatas kaugnay ng umano’y anomalya at ghost projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa survey na isinagawa mula Setyembre 27 hanggang 30, 42 porsiyento lamang ng mga respondent ang nagsabing aprubado nila ang performance ng Senado mas mababa ng 11 puntos mula sa 53 porsiyento na naitala noong Hunyo.
Samantala, tumaas naman ng 10 puntos ang mga “disapproved” sa performance ng Senado, mula 18% noong Hunyo ay naging 28% sa pinakahuling resulta. Bahagyang tumaas din ang bilang ng mga hindi makapagpasya o “undecided,” mula 28% ay umakyat sa 30%.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ang resulta ng survey ay sumasalamin lamang sa pananaw ng publiko sa isang partikular na panahon.
“As always, surveys serve as guides to perceptions in that particular moment. In other words, a snapshot of the past,” ani Sotto.
Dagdag pa niya, patuloy pa ring gaganap ng tungkulin ang Senado anuman ang resulta ng survey.
“The Senate will do its work diligently no matter what,” sabi pa ng senador.
Mas malaki naman ang ibinagsak ng approval rating ng House of Representatives, na bumaba ng 17 puntos—mula 47 porsiyento noong Hunyo ay naging 30 porsiyento sa pinakahuling survey.
Ang bilang ng mga hindi sumang-ayon sa performance ng Kamara ay tumaas ng 13 puntos, mula 21% ay naging 34%, habang ang mga “undecided” ay umakyat din mula 32% tungong 36%.
Ang Pulse Asia survey ay isinagawa sa 1,200 respondents sa buong bansa, na may margin of error na plus/minus 2.8 percent. Naganap ito ilang linggo matapos ang pagpapalit ng liderato sa parehong Kapulungan ng Kongreso.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






