Araw ng ika-53 taon ng NPA: 51 na dating miyembro nagbalik-loob sa gobyerno

0
444

Los Baños, Laguna. Nagtaguyod ang Regional Mobile Force Battalion 4A (RMFB4A) ng Camp Gen Macario Sakay, Brgy. Lalakay, sa bayang ito, ng malawakang kooptasyon o panunumpa kanina, Marso 29, na nagresulta sa pagbabalik-loob sa gobyerno ng 51 miyembro ng teroristang grupong komunista mula sa iba’t-ibang sektor na pulahang armado, kabataan, kababaihan, mangingisda, magsasaka, manggagawa, maralitang tagalungsod, transportasyon at sining.

Kabalikat ng RMFB4A ang ibang yunit ng kapulisan at kasundaluhan sa pagkumbinse sa mamamayang mula sa Southern Tagalog na nagbalik-loob. Kabilang sa mga dahilan sa pagsuko ang pagkamulat sa panlilinlang at maling ideolohiyang komunista, pagod at gutom sa pagtatago, kakulangan o kawalan ng suporta sa pamilya, sinserong hangad para sa kapayapaan ng gobyerno at kagustuhang magbagong-buhay at makasama ang pamilya na mamuhay ng tahimik at mapayapa.

“Kagaya ng mga naunang natulungan ng RMFB4A noong nagdaang taon, kayo din ay aming tutulungan para malinis ang inyong pangalan at maproseso ang mga nararapat na insentibo upang magamit nyo sa pagbabagong buhay. Sa mga kasamahan naman natin na patuloy pa din na umaakap sa maling ideolohiya ng komunismo lalo na ang paghawak ng armas at paglaban sa gobyerno ay aming inaanyayahan na gumaya sa ating mga kapatid na ngayon ay namumuhay ng payapa at tahimik na buhay. Ang mahigit limang dekada ng paglilinlang at paglaban sa gobyerno ay ating wakasan na, ” ayon kay PCOL Ledon D. Monte, pinuno ng RMFB4A.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.