Arestado ang 32 suspected hired goons sa Biñan City

0
441

Biñan City, Laguna. Iniimbestigahan na ngayon ng Biñan City police ang hinihinalang grupo ng mga upahang goons na diumano ay nang-harass sa mga residente.

Ang 32 na hinihinalang bayarang goons ay napaulat na nagpakilalang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at iba pang security forces ng gobyerno.

Ayon kay City Mayor Arman Dimaguila, tinakot ng grupo ang mga residente sa isang caucus, at isang political event bago sila nakorner ng mga awtoridad sa Barangay San Vicente noong Linggo ng umaga.

Ibinunyag ni Dimaguila, na naghahangad na muling mahalal  ilang mayor sa nabanggit na lungsod, na hinarass ng nasabing grupo ang kanyang mga coordinator, lider at barangay chairman.

Sa isang press conference, kasama si vice mayoralty candidate Gel Alonte at congressional candidate Len Alonte noong Linggo ng hapon, sinabi nila na ang mga hired goons ay hindi residente ng Biñan  City. Inamin ng mga ito sa mga awtoridad  na sila ay nanggaling sa mga bayan ng Batangas at pinaniniwalaang inupahan ng mga pulitiko.

Nakita ang nasabing grupo na gumagala sa paligid ng barangay hall ng San Vicente. Nakarating ang impormasyon sa tanggapan ng alkalde ng lungsod na agad namang humingi ng tulong sa municipal police station. Mabilis na rumesponde ang SWAT team upang arestuhin ang mga suspek, ayon sa report.

Ang lungsod ay inilagay sa ilalim ng yellow category ng Commission on Elections (Comelec) at ng Philippine National Police (PNP), kahit na wala pang rekomendasyon sa poll body na ilagay ang lungsod sa ilalim ng kontrol nito, ayon kay Dimaguila.

Binanggit ni Dimaguila na mayroong tatlong nagrereklamo kabilang ang isang pulis, na biktima ng gun-grabbing, at dalawang punong barangay na nakaranas ng harassment mula sa grupo.

Noong nakaraang linggo, nakatanggap si Dimaguila ng impormasyon tungkol sa pagdating ng mga hindi pa nakikilalang lalaki, kasunod ng mga reklamo ng kanyang mga supporter na hina-harass sila ng mga hindi armadong lalaki na puwersahang pumasok sa bahay ng isang lider kasabay ng pagdating 27 na kalalakihang pawang sakay sa motorsiklo, ayon sa mga salaysay ng alkalde.

Idinagdag ni Dimaguila na dalawa sa mga inarestong suspek ang may nakabinbing record ng harassment noong 2019 elections.

Umaapela si Dimaguila sa kanyang mga karibal na huwag gumamit ng karahasan at hinimok sila na huwag gagawa ng panggigipit sa mga tao.

Samantala, sinabi ng pulisya na ang mga dinakip na suspek ay maaaring managot sa kasong usurpation of authority, direct assault, resistance and disobidience at iba pang kaso.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.