Arestado ang mga sumira ng balota sa 2 poll precincts sa Palawan

0
108

PUERTO PRINCESA, Palawan. Arestado ang dalawang nagsanhi ng kaguluhan at sumira ng mga balota sa polling precincts sa Puerto Princesa, Palawan.

Ayon sa ulat ng Commission on Elections (Comelec) kahapon, Oktubre 30, pumasok sa mga presinto ang dalawang suspek at sinira ang mga balota na naging sanhi ng pagkaantala ng botohan sa mga naturang presinto.

Sa ulat ng Comelec, dalawa lang ang pumasok sa mga presintong at pinagpupunit, pinagsisira, at pinag-aagaw ang mga balota. Ito ay nagdulot ng takot sa mga guro na nangangasiwa sa botohan dahil malayo ang mga pulis sa lugar ng botohan alinsunod sa mga patakaran ng Comelec.

Sa pahayag ni Comelec Chairperson George Garcia, “Naging alerto ang mga kababayan natin. Dalawa ang kaagad dinala sa police station at inaalam po kung ito ay isang plano ng isang buong grupo o plano ng mga kandidato.”

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa Pilot Elementary School sa Brgy Kalipay, Puerto Princesa City sa Palawan bandang alas-10:52 ng umaga. Apektado nito ang clustered precincts 88, 89, at 90.

“The incident initially involved arguments between assigned watchers and voters near Precincts 0121B and 0122A under CP Number 90. However, the situation was later pacified by the responding personnel from the Philippine National Police (PNP) and the Philippine Coast Guard,” ayon sa ulat ng pulis.

Ang mga sinirang balota ay hindi pa nagamit sa botohan.

Matapos ang insidente, nagpatuloy ang botohan sa mga apektadong presinto pagkatapos ng dalawang oras. Ayon kay Garcia, “Nag-resume na po sila ng voting. [There are] initial 60 official ballots po from nearby school.”

Bilang tugon sa kaguluhan, pinalawig ang oras ng botohan sa mga presintong apektado upang matugunan ang humigit kumulang na 200 botanteng naapektuhan ng insidente.

Kaugnay nito, kinondena ni Chairperson Garcia ang nangyari, “Nakakalungkot ‘yung ganiyang klaseng pangyayari sapagkat alam niyo, pag talo na kayo, tanggapin na lang. Yung manggugulo ka tapos di mo pabobotohin yung mga botante, tapos sisirain mo ‘yung mga election paraphernalia, wala pong katwiran ‘yun.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.