Arestado na ang 4 na tulisan na nangulimbat sa Our Lady of Guadalupe Shrine sa Laguna

0
265

Sta. Cruz, Laguna.  Nahuli na ang apat na suspek na sangkot sa pagnanakaw noong Nobyembre 5 sa Diocese Shrine of Our Lady of Guadalupe sa Brgy. Población Uno, Pagsanjan, Laguna sa ilalim ng isinagawang hot pursuit operations ng Pagsanjan Municipal Police Station (MPS).

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Rogel Tarray Oliveros, alyas “Gel”, 28 anyos na construction worke at residente ng Brgy Sto. Angel Sur, Sta Cruz, Laguna; Emmanuel Sarmiento Valenzuela, alyas “Mukha”, 42 anyos na driver at residente ng Brgy Gatid, Sta Cruz, Laguna; Jose James San Jose Yaneza, alyas “Jimmy”, 75 anyos na caretaker at residente ng Brgy. Maulawin, Pagsanjan, Laguna; at Bernabe Adriano Bernante, alyas “Epi,” 45 anyos na janitor at residente ng Brgy. San Isidro, Pagsanjan, Laguna.

Ang mga nabanggit na suspek ay may mga nauna ng kaso ng robbery, illegal drugs, physical injury, alarms and scandal.

Kaugnay nito, tinutugis pa ng mga operatiba ang isa pang suspek na kinilalang si Gerald Estar Lagamon, 27 anyos na construction worker at residente ng Brgy. Santo Angel Sur, Sta Cruz, Laguna. Dati nang naaresto si Lagamon dahil sa paglabag sa Sec 5 at Sec 12 ng RA 9165.

Ayon sa ulat mula sa Pagsanjan MPS noong Nobyembre 6, 2022, iniulat ni Marjorie Alcaraz na ang isang Oppo mobile phone na isa sa mga ninakaw na gamit ay natunton sa Sta Cruz, Laguna gamit ang isang device tracking application.

Nang matanggap ang nasabing impormasyon, agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad sa Brgy. Patimbao, sa nasabing bayan na nagresulta sa pagkakaaresto kay Rogel Oliveros kung saan narekober sa kanya ang oppo mobile phone.

Matapos maaresto, ibinunyag ni Oliveros na sinira ng kanyang dalawang kasama na sina Lagamon at Valenzuela ang tabernakulo ng simbahan at kinuha ang pera sa parochial office at ang perang nakalagay sa loob ng 3 donation box.

Ayon kay Oliveros, si Bernante ang nagturo sa kanila kung saan ang entry at exit passage ng simbahan at kung saan nakalagay ang pera.

Samanala, pinuri ni PRO CALABARZON Regional Director, PBGen Jose Melencio C Nartatez Jr., ang mga operatiba ng Pagsanjan MPS sa kanilang mabilis na aksyon na nagresulta sa mabilis na pag aresto sa mga suspek.

“Nakakalungkot na ang isang lugar tulad ng simbahan ay ninakawan ng mga suspek na ito. Sisiguraduhin natin na makukulong ang mga kriminal na ito. Gayundin, patuloy na magsasagawa ng operasyon ang ating mga operatiba upang mahanap ang natitirang suspek at pananagutin sa krimen na kanyang ginawa,” ayon kay Nartatez. 

Inihahanda na ngayon ang mga dokumento para sa pagsasampa ng reklamo laban sa mga suspek.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.