MAYNILA — Naglabas ng arrest warrant ang isang korte sa Laguna laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang kaugnay sa pagkakasangkot nito sa pagkawala ng ilang dosenang sabungero.
Si Ang ay nahaharap sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping sa tatlong Regional Trial Courts (RTC): sa Lipa City, Batangas, at sa Sta. Cruz at San Pablo City sa Laguna.
Kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maaari nang ipatupad “anytime now” ang arrest warrant laban kay Ang. Ang non-bailable na kidnapping with homicide case ay inilabas ng RTC Branch 26 sa Sta. Cruz, Laguna.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nakahanda na ang mga “dedicated teams” upang ipatupad ang warrant of arrest. Sinabi ni PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez na ihahain ang warrant sa mga natukoy na lokasyon ni Ang.
Samantala, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Spokesperson Polo Martinez na nauna nang inilabas ang isang Immigration Lookout Bulletin Order upang agad maabisuhan ang mga awtoridad sakaling tangkain ng alinman sa mga akusado na lumabas ng bansa.
“Following the issuance today of the arrest warrant by RTC Sta. Cruz, the prosecution shall forthwith move for the issuance of a Hold Departure Order (HDO) with the court and ensure that all the accused stand trial,” pahayag ni Martinez.
Ang arrest order na may petsang Enero 13, 2026, na inilabas ni Presiding Judge Mary Jean Cajandab-Ong, ay may pahatiran sa “any officer of the law.” Inatasan din ng hukom ang mga law enforcer na gumamit ng hindi bababa sa isang body-worn camera at isang alternatibong recording device, alinsunod sa Rules on the Use of Body-Worn Cameras in the Execution of Warrants na inilabas ng Korte Suprema.
Kabilang sa mga inisyuhan ng arrest warrant sina Rogelio Borican Jr., Jezrel Mahilum, Mark Carlo Zabala, Rodelo Anig-ig, Emman Falle, Julios Gumolon, Ronquillo Anding, Ryan Jay Orapa, Aaron Ezrah Cabillan, Mark Anthony Manrique, Anderson Abary, Michael Claveria, Edmon Muñoz, Farvy Dela Cruz, Renan Fulgencio, Alfredo Andes, at Joey Encarnacion.
Sa dalawang hiwalay na kautusan, iniutos din ng korte ang pag-aresto kay Ang kaugnay ng mga kasong kidnapping at serious illegal detention. Kabilang din sa mga inisyuhan ng arrest order sina Ryan Jay Orapa, Michael Claveria, Alfredo Andes, Rogelio Borican, at Rodelo Anig-ig.
Muling umigting ang interes ng publiko sa serye ng misteryosong pagkawala sa industriya ng sabong noong 2022 matapos lumantad noong nakaraang taon ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy.” Inangkin ni Patidongan na alam niya kung saan itinapon sa Taal Lake ang mga bangkay ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Patidongan, aabot umano sa 100 katao ang pinatay dahil sa umano’y pagkakasangkot sa match-fixing, at itinuro niya si Ang, ang dati niyang amo bilang utak sa likod ng mga pagkawala. Mariing itinanggi ni Ang ang mga paratang.
Ang sabong, na ipinagbabawal sa maraming bansa, ay nagpatuloy sa Pilipinas sa pamamagitan ng online platforms sa gitna ng coronavirus pandemic, na umakit ng mas maraming sugarol gamit ang kanilang mga mobile phone. Bago matapos ang kanyang termino noong 2022, ipinagbawal ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang livestreaming ng sabong, subalit patuloy umano ito dahil sa maluwag na pagpapatupad ng pagbabawal.
With reports from Agence France-Presse
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






