MAYNILA — Isinampa na sa mga korte sa Batangas at Laguna ang mga kasong kriminal laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at 21 iba pa kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero, ayon sa Department of Justice.
Sinabi ni DOJ spokesman Raphael Martinez na noong Biyernes ay inihain ang mga kaso sa Regional Trial Courts ng Lipa City sa Batangas, at ng Sta. Cruz at San Pablo City sa Laguna.
Ayon kay Martinez, kabuuang 26 na kaso ang isinampa laban kay Ang, kabilang ang kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention.
Ina-assess na ng mga korte ang mga impormasyon sa mga kaso bilang bahagi ng proseso para sa posibleng pag-isyu ng warrant of arrest laban kay Ang at sa iba pang akusado.
Ilan sa mga kapwa akusado ni Ang ay mga pulis, kabilang si Lt. Col. Ryan Jay Orapa.
Nauna dito ay sinabi ng mga prosecutor ng DOJ na may sapat na basehan upang sampahan ng mga kasong kriminal si Ang, habang ibinasura naman ang mga reklamo laban kina Gretchen Barretto at whistleblower na si Julie Patidongan, pati ang kapatid nitong si Ellakim Patidongan.
Tinanggap ng DOJ sa government witness protection program ang magkapatid na Patidongan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






