Atong Ang, Gretchen Barretto at 60 iba sinubpoena ng DOJ

0
220

MAYNILA. Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nakapagsilbi na ng mga subpoena laban sa negosyanteng si Atong Ang, aktres na si Gretchen Barretto, retired Police General Jonnel Estomo at iba pang respondents kaugnay sa reklamong isinampa ng mga pamilya ng nawawalang sabungeros.

Sinimulan noong Martes ng gabi, Setyembre 9, ang pagsisilbi ng mga subpoena at nagpatuloy ito hanggang Miyerkules para sa mahigit 50 iba pa, kabilang ang 18 pulis, bilang bahagi ng preliminary investigation ng DOJ. Kabilang sa mga reklamong kinahaharap ang serious illegal detention, multiple murder at iba pang kaukulang kaso.

“Subpoenas have been issued from the preliminary report given by the National Prosecution Service as against the 59 or 60 respondents in the case of the missing sabungeros,” pahayag ni DOJ spokesperson Mico Clavano.

Itinakda ang unang pagdinig sa Setyembre 18.

Samantala, patuloy ang search operations ng Philippine Coast Guard at iba pang law enforcement units sa Taal Lake, kung saan mas marami pang buto ng tao ang narekober. Ayon sa DOJ, kabilang dito ang mga bungo, tadyang at iba pang skeletal remains.

Noong Setyembre 5, nakakuha ang mga awtoridad ng hindi bababa sa 16 na buto, anim na sandbags at dalawang pirasong lubid.

Nitong Lunes, natagpuan ng mga divers ang isang pinong lambat, limang puting sako na naglalaman ng buto ng tao, isang puting t-shirt, isang maliit na itim na jacket, isang pink na tumbler at buhangin.

Pinakahuli noong Setyembre 9, isang sako na may 10 piraso ng buto ng tao, isang nylon rope at buhangin ang nakuha sa lawa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo