Atong Ang, hiniling na ibalik sa CIDG ang imbestigasyon sa missing sabungeros

0
290

MAYNILA — Hiniling ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang sa Department of Justice (DOJ) na ibalik sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang imbestigasyon hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa DOJ, sinabi ni Ang, sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal, na dapat ibalik sa CIDG ang kaso upang maisagawa ang isang “maayos, malalim, at patas na imbestigasyon.”

Ayon kay Villareal, “tanging isang kapani-paniwalang muling imbestigasyon ng pulisya ang makapagtitiyak ng matibay na case build-up ng DOJ panel na magiging katanggap-tanggap sa lahat ng panig.”

Kasama ang kanyang mga abogado, personal na nagtungo si Ang sa DOJ upang isumite ang kanyang counter-affidavit bilang tugon sa mga paratang na inihain laban sa kanya ng umano’y whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.

Giit ni Villareal, walang kinalaman si Ang sa mga ibinibintang sa kanya ni Patidongan, na aniya ay ang “tunay na utak sa karumal-dumal na krimen.” Tahimik na nakapasok si Ang sa gusali ng DOJ nang hindi napansin ng mga mamamahayag.

Dagdag pa ni Villareal, “Mr. Ang is here not only to submit himself to the legal processes but dispel malicious rumor that he already left the country.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.