Atong Ang itinurong ‘utak’ sa pagkawala ng mga sabungero; nagbanta ng kaso laban sa whistleblower

0
827

MAYNILA. Itinuro ni Julie “Dondon” Patidongan, isang whistleblower at akusado sa kaso ng nawawalang mga sabungero, si negosyanteng Charlie “Atong” Ang bilang umano’y utak sa serye ng pagdukot sa ilang indibidwal na sangkot sa online sabong.

Sa isang exclusive report ng GMA News, sinabi ni Patidongan na katuwang umano ni Ang sina Eric Dela Rosa at Engr. Celso Salazar sa mga krimen. Inilahad pa niyang alam umano ng aktres na si Gretchen Barretto ang mga kaganapan, dahil palagi raw itong kasa-kasama ni Ang.

Dating chief of security ni Ang si Patidongan, at inutusan umano siya na hulihin at “iligpit” ang mga sabungerong nandaraya.

“Si Mr. Atong Ang… siya ang pinaka-mastermind,” ani Patidongan, at binanggit pa niyang may mga pulis na sangkot at inutusan upang isagawa ang mga pagdukot.

Ayon kay Patidongan, ngayon lamang siya lumantad dahil nagtitiwala siya kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre. “Lumutang ako dahil alam kong hindi siya kayang bayaran,” aniya.

Mariin niyang itinanggi ang mga paratang na sangkot siya sa mga krimen at iginiit na siya ay isang tagasunod lamang bilang farm manager. Pinabulaanan din niya ang akusasyong sinubukan niyang kikilan si Ang ng ₱300 milyon. Ayon sa kanya, si Ang umano ang nag-alok ng pera kapalit ng paglagda niya sa isang recantation, na tinanggihan niya.

Samantala, tinanggihan ng kampo ni Ang ang lahat ng alegasyon. Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Ang, sinubukan umanong kikilan ni Patidongan si Ang at ilang miyembro ng board ng halagang ₱300 milyon.

“I think all the statements are lies,” ani Kapunan sa panayam ng GMA Integrated News. “They’re false. And I think it did come at a time when it became evident to him that Mr. Atong Ang was not going to give in his extortion.”

Binatikos din ni Kapunan ang kredibilidad ni Patidongan at binanggit ang mga nauna nitong kaso ng frustrated murder at robbery.

Inanunsyo rin ng kampo ni Ang na magsasampa sila ng reklamo laban kay Patidongan sa Huwebes sa Mandaluyong Prosecutor’s Office para sa attempted robbery, grave threat, coercion, at paninirang puri.

Tiwala naman ang panig ni Ang sa imbestigasyong isinasagawa ng Department of Justice (DOJ) at sinabing bukas silang makipagtulungan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.