Maynila — Isinumite ni businessman Charlie “Atong” Ang ang isang motion to suspend proceedings sa Regional Trial Court (RTC) ng San Pablo kaugnay ng mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention kaugnay ng nawawalang mga sabungero, ayon kay Justice spokesperson Polo Martinez nitong Biyernes.
“Pinapaalam namin sa publiko na ang issuance ng warrant of arrest ay na-defer ng korte kasunod ng motion to defer o suspend proceedings na isinumite ng akusado,” ani Martinez sa isang media briefing.
Kasalukuyang nahaharap si Ang sa mga kaso sa mga hukuman ng Sta. Cruz, Laguna; Lipa, Batangas; at San Pablo, Laguna. Sa tatlong hukuman, ang Sta. Cruz RTC Branch 26 at Lipa RTC Branch 13 lamang ang nakapag-isyu ng warrant of arrest laban sa kanya.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, humihiling ang korte sa DOJ na magsumite ng mga dokumento kaugnay ng kaso, kabilang na ang mga counter-affidavits ng mga respondent.
“Tayo ay magco-comply. Magco-comply tayo para makita natin kung sa sandaling mag-comply tayo, magiging sapat na basehan na ba ito para makapagdesisyon ang korte kung dapat itong mag-isyu ng warrant o hindi,” paliwanag ni Fadullon.
Ayon pa rin sa kanya, anuman ang magiging hakbang ng korte, sisiguraduhin din ng DOJ na magkakaroon ng nararapat na aksyon. “Kung ano ang mga hakbang na ito, hindi pa namin maibubunyag sa ngayon,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Martinez na nagsimula na ang trial ni Ang sa Sta. Cruz at Lipa.
Nag-anunsyo naman si Interior Secretary Jonvic Remulla ng P10-million reward para sa impormasyon na magdadala sa pag-aresto kay Ang. Ayon kay Remulla, ang malawak na koneksyon ni Ang sa iba’t ibang antas ng pamahalaan ang pangunahing balakid sa kanyang pag-aresto.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





