Away-parking, nauwi sa pamamaril

0
209

GEN. TRIAS, Cavite. Isang lalaki ang nakasalang ngayon sa kasong attempted homicide matapos nitong tutukan ng baril ang isang residente at pagbabarilin pa ang sasakyan nito dahil sa isang away sa parking sa isang subdivision.

Ang insidente ay naganap kamakalawa ng gabi sa Bgy. Santiago, Gen. Trias City.

Ang suspek na si Edwin Germino Guerrero, 56 anyos na residente ng B1 L5 Villa San Lorenzo, Brgy. Anabu 2E, Imus City, Cavite ay naaresto matapos ireklamo ng biktimang si Reynante Dollero Bravo, 47 anyos, ng Cluster 2 B6 L 22A Bella Vista Subdivision, Brgy. Santiago, Gen. Trias City, Cavite.

Ayon sa imbestigasyon ni P/Sergeant Lauren Lubigan, 11:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa harap mismo ng bahay ng biktima sa Bella Vista Subdivision, kung saan nag-park ang sasakyan ng suspek.

Nalaman na kinonpronta ng biktima ang suspek dahil sa pagharang ng sasakyang ng suspek sa harapan ng kanilang bahay.

Nag-init ang kanilang pagtatalo hanggang sa magalit ang suspek at kunin ang kanyang baril. Tinutukan nito ang biktima bago pinagbabaril ang sasakyan ng biktima.

Agad na rumesponde ang Compact Patrol at SWAT team, na nagresulta sa pagkakahuli sa suspek. Narekober sa kanya ang isang .9mm caliber Sig Sauer Navy MK25 P226 na may serial number UU771370.

Kasalukuyan ng nakakulong ang suspek habang ibinigay sa Cavite Provincial Forensic Unit ang nasabing armas upang isailalim ito sa tamang paglutas ng kaso.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.