Babae arestado hinggil sa online fraud sa Rizal

0
335

Cainta, Rizal. Inaresto ng mga elemento ng anti-cybercrime police officers sa bayang ito ang isang 29-anyos na sales assistant hinggil sa online fraud na kinasasangkutan nito.

Sinabi kanina ni Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) officer-in-charge, Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding na ang suspek na itinago ang pangalan, ay naaresto sa isang operasyon noong Hunyo 19 sa Brgy. Security Force sa nabanggit na bayan.

Lumabas sa imbestigasyon na niloko ng suspek ang biktima na kinilala lamang sa pangalang “Mika” na nagtatrabaho bilang sales assistant sa isang grocery store sa Barangay Palatiw, Pasig City.

Noong June 18, nakatanggap si “Mika” ng Facebook friend request mula sa suspek na gumamit ng pangalang “Lovely Heart”, na naglalaman ng larawan ng kanyang amo.

Sinabi ni Masauding na nakipag-usap si “Lovely Heart” sa biktima at kalaunan ay nakumbinsi siyang gumawa ng cash transfer.

Nagpadala si “Mika” ng PHP5,000 sa GCash account ng suspek na nakarehistro sa ilalim ng pangalang “Rosalina Lope.”

Nang tawagan niya ang amo na ipinakilala ng suspek upang kumpirmahin ang paglilipat ng pondo, nalaman niyang hindi kailanman humingi ng pera ito.

Napag-alaman na si “Rosalina Lope” ay ang lehitimong may-ari ng GCash account na may isang retail store sa Camella Abraza Subdivision, Pinagbuhatan, Pasig City.

Sinabi ni Masauding na ginamit lamang ng suspek ang account ni Rosalina Lope para i-cash out ang pera mula sa biktima.

Ang suspek ay nasa kustodiya na ngayon ng Eastern District Anti-Cybercrime Team ng ACG sa Pasig City, habang nakabinbin ang inquest proceedings.

Kakasuhan siya ng estafa at paglabag sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.