Babae nahuli sa NAIA dahil sa pekeng departure stamp, biktima ng trafficking

0
134

MAYNILA. Isang 46-anyos na babae ang hinarang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos matuklasan na peke ang departure stamp sa kanyang passport, ayon sa ulat ng BI nitong Biyernes.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nangyari ang insidente noong Oktubre 27 sa NAIA Terminal 3. Sinabi ng BI na ang babae, na itinatago ang pagkakakilanlan upang sumunod sa mga batas laban sa trafficking, ay patungo sanang Macau sakay ng AirAsia ngunit naharang sa primary inspection counter ng BI.

Inihayag ng biktima na dati siyang Overseas Filipino Worker (OFW) na pupunta raw sa Macau bilang turista, ngunit kalaunan ay inamin niyang may balak siyang magtrabaho roon nang walang tamang dokumentasyon. Ayon pa sa BI, sinabi ng biktima na inalok siya ng “easy immigration” at document assistance sa pamamagitan ng isang Facebook post, na nagresulta sa paglalagay ng pekeng departure stamp sa kanyang passport.

Lumabas din sa imbestigasyon ng BI na ang mga trafficker ay naniningil ng P40,000 para sa umano’y “escort services” na, ayon sa mga awtoridad, ay isang panloloko.

“It’s alarming to observe that this scheme remains widespread. While these offers might seem enticing to unsuspecting victims, any assurance of success with minimal effort should raise immediate red flags,” ayon kay Viado.

Ang biktima ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para matulungan sa pagsasampa ng kaso laban sa mga recruiter nito.

Patuloy na pinapaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat laban sa ganitong uri ng panloloko at huwag basta magtitiwala sa mga alok na dokumento o serbisyo mula sa hindi kilalang mga online source.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.