Babaeng courier, natagpuang patay sa Laguna

0
242

SAN PEDRO CITY, Laguna. Natagpuang tadtad ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang bangkay ng isang babaeng courier sa loob ng banyo sa lungsod na ito, kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni Lt. Col. Rolly Liegen, hepe ng pulisya ng San Pedro City Police Station, ang biktima na si Razel Bautista, 44 anyos at isang Lazada Padala courier. Natuklasan ang bangkay ng biktima ng isa sa kanyang kamag-anak matapos siyang katukin ng ilang ulit na walang sagot sa gate ni Bautista.

Sa salaysay ng kamag-anak ng biktima, nadatnan niya ang katawan ni Bautista na nakahandusay sa banyo sa ikatlong palapag ng apartment nito sa Barangay Langgam sa nabanggit na lungsod.

Ayon kay Liegen, iniimbestigahan ng binuong Special Investigation team ng San Pedro PNP ang posibilidad na pagnanakaw ang motibo sa pagpatay. Ayon sa kanila, nawawala ang ilang personal na gamit ng biktima tulad ng laptop at hindi pa matukoy ang halaga ng nawawalang pera.

Dagdag pa ni Liegen, kasalukuyang hinahanap ang mga CCTV footage sa lugar upang makilala ang pagkakakilanlan ng posibleng suspek.

Batay sa unang imbestigasyon, maaaring iisang tao lang ang responsable sa krimen at posibleng dumaan ito sa rooftop ng apartment dahil walang mga tanda ng puwersahang pagpasok sa bahay. Walang kasama ang biktima nang mangyari ang krimen.

Patuloy na iniimbestigahan ng kapulisan ang pangyayari upang malaman ang buong detalye ng insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.