Babaeng mahigit 2,000 araw na nakakulong, patuloy pa ring napupulitika?

0
552

Kailangan nang madaliin ang pagpapalaya kay dating Sen. Leila De Lima. Kung 2,000 segundo siyang nasa piitan, kaya ko pang tanggapin. Pero higit 2,000 araw? Hindi lang tayo sa Pilipinas ang nagsasabing kahihiyan ang pagkakakulong sa kanya ng ganyang katagal, mismong mga taga labas ng bansa. Panggugulo lang ba silang mga nasa labas? Kabaligtaran. Katuwang pa nga sila sa pagsasaayos at pagpapaunawa sa mga awtoridad.

Lumalabas na napupulitika lamang ang person deprived of liberty (PDL) na dating masigasig na nagsisiyasat ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.

Napakarami na at patuloy pang dumarami ang mga institusyon at matitinong tagamasid ng pulitika sa bansa na sumisigaw na agad nang palayain ang dating senadora at kalihim ng katarungan. Pawang gawa-gawa lamang ang mga kasong isinampa laban sa kanya; katunayan, sunod-sunod din ang pagbawi ng mga naunang salaysay ng mga dating nagdiin sa kanya sa mga kasong may kinalaman daw sa droga. Bakit ang lakas ng loob nila sa mga ganitong pagsisinungaling? Hindi ba mismong mga awtoridad ang mapapahiya sa korte? Sabi pa nga ng mga nakatutok sa mga kaso laban kay De Lima: Nakakahiya talaga, pero wala lang sa kanila iyon.

Ngayong nasa bagong administrasyon – sa dating administrasyon siya unang nadiin – marapat lamang na bigyan ng kaukulang pansin ang pagpapalaya sa kanya. May mga nagsasabi rin, malapit na siyang pakawalan. Ang tanong: Kailan? Sa panahon ng malawakang pag mamaniobra ng mga makapangyarihan at pekeng balita sa buong mundo, mahirap sabihin na malapit na nga siyang makalaya. Katakot-takot nang kawalan ng ebidensya ang bumubungad sa mga may hawak ng mga kaso niya, pero wala pa ring malinaw na nangyayaring patungo na ang lahat sa kalayaan ng mabuting babae.

Hindi natin sinasabing walang bahid si De Lima ngunit kung usaping droga, malabo ito pagkat puro kwento lang naman ang “nagpapadiin” sa kanya, walang materyal na ebidensya, at patuloy lamang na mapapahiya ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umaasang pagbibigyan sila ng mga tao at mga gobyerno sa buong mundo na ibahin siya sa pamamalakad ng kanyang amang umani ng notoriety sa halip na popularity sa Pilipinas man o sa ibang bansa batay sa kasaysayan at sa mga dokumentong legal mula sa Korte Suprema sa Pilipinas at mga korte sa ibang bansa.

Napapaisip din akong walang matinong batayan ang paratangang nagbago na ang Philippine Daily Inquirer. Sabi ng iba, “San Mig Inquirer Light” na raw ito na ang hinuha: “fearless views” nito’y wala na. Matapang na inilahad ng nangungunang broadsheet sa Pilipinas sa editorial nito kahapon na may pamagat na “A continuing embarrassment”:

“When the US delegation returns home, they can be expected to come up with a report on De Lima’s situation and apply pressure on US decision-makers. Any adverse report could have repercussions on Mr. Marcos’ US visit next month to address the United Nations General Assembly in New York, and on his future visits to Washington.

“Not only is De Lima’s detention on trumped-up charges a miscarriage of justice; it is now a continuing embarrassment for the Marcos Jr. administration that merely inherited this case of political persecution from the Duterte administration. Unless this injustice is corrected and De Lima freed, her image as a political prisoner will hound the current administration as it tries to shore up the confidence and trust of other nations, including its closest allies in the Western world.”

Tumpak. Palayain ang babae at pagkatapos, mag-isip tayo ng 2,000 dahilan kung bakit hindi na dapat maulit ang ganitong panggigipit sa kababaihan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.