Babaeng nag-imbento ng kwento na siya ay ginahasa, humingi ng paumanhin

0
247

PUERTO PRINCESA CITY. Humingi ng paumanhin sa mga awtoridad ang isang babae sa Puerto Princesa City, Palawan matapos niyang aminin na inimbento niya lamang ang kwento ng panggagahasa laban sa kanya ng tatlong lalaki upang makakuha ng atensyon mula sa kanyang kasintahan.

Sa isang pahayag, sinabi ni “Gemma” na nag-imbento lamang siya ng kuwento na siya ay ginahasa ng tatlong lalaki upang mapansin siya ng kanyang kinakasama. Ayon sa kanya, kulang siya sa pansin at atensyon mula sa kanyang live-in partner kaya’t naisipan niyang gumawa ng kasinungalingan upang subukan kung gaano siya kamahal nito.

Sa unang ulat, sinabi ni Gemma na sakay siya sa isang tricycle nang siya ay hali-haliling ginahasa ng tatlong lalaki. Agad namang umaksyon ang Police Station 2 upang matukoy at arestuhin ang mga suspek. Ngunit matapos ang imbestigasyon, lumitaw na walang katotohanan ang mga bintang ni Gemma. Kinumpirma rin niya na gawa-gawa lamang niya ang lahat ng ito.

Aminado si Gemma na siya ay “kulang sa pansin” at hindi sapat ang atensyon na ibinibigay sa kanya ng kanyang kasintahan. Dagdag pa niya, madalas silang magtalo at hindi rin siya tinutulungan sa mga pangangailangan nila.

Sa kabila ng pag-aamin ni Gemma, nagbabala ang mga awtoridad na maaaring maharap sa legal na parusa ang mga taong gumagawa ng pekeng impormasyon kaugnay sa krimen na maaaring magdulot ng pag-aalala sa publiko at sa kapulisan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.