Babaeng naka-confine sa ospital, binaril at napatay; ina at 2 pang iba, sugatan

0
171

DASMARIÑAS CITY, Cavite. Patay ang isang babaeng pasyente habang tatlo pa, kabilang ang kanyang ina, ang sugatan matapos pagbabarilin ng isa sa tatlong armadong lalaki sa loob ng isang pampublikong ospital sa Dasmariñas City, Cavite noong madaling araw ng Miyerkules.

Ayon sa ulat, bandang alas-3:10 ng madaling araw nang mangyari ang insidente. Ang biktima, na kinilalang si Chatty Timbang, 36-anyos, ay naka-confine at natutulog sa emergency room ng Dasmariñas Ospital nang biglang pumasok ang isang armadong lalaki. Walang habas siyang pinagbabaril ng suspek nang malapitan habang siya ay nasa hospital bed.

Ang ina ng biktima na si Chochita Timbang, na natutulog din sa tabi ng kanyang anak, ay tinamaan ng bala sa kanang hita.

Habang tumatakas ang gunman, binaril din niya ang dalawang iba pang biktima na sina Abdul Batua at Nedia Vasque, na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa kanang braso at kanang paa.

Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo kasama ang kanyang mga kasabwat patungo sa Congressional Ave. Area 1, Dasmariñas City.

Ayon kay Lt. Col. Julius Balano, hepe ng pulisya ng lungsod, naaresto ang isa sa tatlong salarin na kinilalang si Jericho Regino, 22-anyos, residente ng Confederation Drive, sa isinagawang hot pursuit operation sa kalapit na barangay noong parehong araw bandang alas-10:00 ng umaga. Inamin ni Regino ang kanyang partisipasyon sa krimen at nagsagawa ng isang extrajudicial confession.

Ibinunyag din ng suspek sa mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng kanyang dalawang kasabwat. Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kasong murder at multiple frustrated murder laban sa kanila.

Ayon kay Balano, ang inisyal na motibo sa krimen ay may kaugnayan sa droga, kung saan ang biktima ay nagbigay umano ng impormasyon sa mga awtoridad ukol sa pagkakasangkot ng mga salarin sa illegal drug activities sa kanilang lugar.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.