MAYNILA. Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa panganib ng heat-related illnesses kasabay ng pagtaas ng temperatura sa bansa ngayong papalapit na tag-init.
Ayon sa DOH, kabilang sa mga dapat iwasan ang heat cramps, heat exhaustion, at ang mas malalang heat stroke na maaaring maging banta sa buhay kung hindi agad naagapan.
“Ang ganitong mga temperatura ay maaaring humantong sa heat cramps o pamumulikat at heat exhaustion o pagkahapo na may mga sintomas tulad ng pagkapagod, pagkahilo, sakit ng ulo, [at] pagsusuka,” ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo.
Dagdag pa niya, “Ang matagal na pagkakalantad sa init ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke, isang seryosong kondisyon na may pagkawala ng malay, pagkalito o kaya ay mga seizure, kumbulsyon na maaaring makamatay kung hindi ginagamot.”
Upang maiwasan ang panganib, pinapayuhan ng DOH ang publiko na manatili sa malamig o may lilim na lugar, uminom ng maraming tubig, at magsuot ng preskong kasuotan.
Kung may taong nakakaranas ng sintomas ng heat exhaustion o heat stroke, dapat itong dalhin sa malamig o malilim na lugar at painumin ng malamig na tubig. Maaari ring hubarin ang mga damit na maaaring magdulot ng labis na init at lagyan ng cold compress o ice pack ang ulo, mukha, leeg, kilikili, pulso, bukung-bukong, at singit upang mapababa ang temperatura ng katawan.
“Mas makabubuti rin kung kaagad itong dalhin sa pagamutan upang malapatan ng kaukulang lunas,” paalala ng DOH.
Pinayuhan naman ni Domingo ang publiko na regular na subaybayan ang ulat ng PAGASA hinggil sa lagay ng panahon at heat index upang maiwasan ang labis na pagkalantad sa init.
Sa patuloy na pagtaas ng temperatura sa bansa, paalala ng DOH na maging maingat at sundin ang mga hakbang upang mapanatiling ligtas ang kalusugan ngayong tag-init.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo