Baby, isinakay sa salbabida, nalunod sa pool

0
649

RODRIGUEZ, Rizal. Nalunod ang isang sanggol sa isang swimming pool sa lungsod na ito, matapos iwanang mag isa at sumingaw ang sinasakyan na salbabida, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Dinala pa sa H-Vill Hospital ang biktima na si baby Kyle John, 1-taong gulang at residente ng Batasan Hills, Quezon City, ngunit idineklara nang patay ng mga doktor.

Nangyari ang insidente bandang ala-1:00 ng hapon ng Mayo 3, ngunit alas-8:10 ng umaga lamang kahapon naiulat ito sa mga awtoridad.

Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, kasalukuyang nagtatampisaw sa loob ng Emilianas Resort sa Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal ang pamilya ng biktima nang magpasya ang mga magulang na isakay ang bata sa isang salbabida.

Iniwan sandali ng mga magulang ang bata sa pag aakalang ligtas ito dahil naka-salbabida. Ngunit hindi inaasahan, biglang sumingaw ang hangin ng salbabida na nagsanhi ng pagtagilid nito at paglubog sa tubig ng bata na hindi napansin kaagad ng pamilya.

Nang makita ng mga kaanak na nawawala na ang bata, agad nilang sinuyod ang paligid hanggang sa matagpuan ang biktima na nakalubog sa ilalim ng pool.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.