Bag ng droga, nakuha sa dagat malapit sa Sabina Shoal

0
370

PUERTO PRINCESA CITY — Natagpuan ng Philippine Navy ang isang bag na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga na palutang-lutang sa karagatang sakop ng Sabina Shoal sa West Philippine Sea nitong Sabado.

Ayon sa ulat ng Navy, nakatanggap ng impormasyon noong Biyernes ng gabi ang Maritime Civilian Armed Forces Geographical Unit Active Auxiliary Unit–West (MCAAU-W) hinggil sa isang itim na bag na pinaniniwalaang naglalaman ng high-grade marijuana.

Matapos matanggap ang ulat, agad na nakipag-ugnayan ang MCAAU-W sa Western Naval Command ng Philippine Navy, na nag-atas sa BRP Lolinato To-Ong na tumungo sa lugar.

Natagpuan at nabawi ng BRP Lolinato To-Ong at ng MCAAU-W ang naturang bag noong madaling-araw ng Sabado. Isinailalim ito sa kustodiya ng Philippine Navy at ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Palawan Police Provincial Office (PPO), bago tuluyang isinumite sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–Palawan sa pantalan ng Puerto Princesa City nitong Lunes para sa pagsusuri at wastong disposisyon.

Batay sa paunang ulat ng PDEA, naglalaman ang itim na bag ng 32 transparent at itim na plastik na may kabuuang tinatayang 16 kilo ng hinihinalang high-grade marijuana kush na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱19.2 milyon.

“PDEA Palawan has since initiated the evaluation, field testing, and official inventory of the seized items, with appropriate disposition procedures now underway,” ayon sa pahayag ng ahensya.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.