STA. ROSA CITY, Laguna. Isang bagong pulis ang namatay habang apat pa ang malubhang nasugatan matapos silang maaksidente sa may Sta. Rosa-Tagaytay Road sa Sta. Rosa City, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ng Sta. Rosa Police ang nasawing rookie cop na si Patrolman Rufino Libao, 23, nakatalaga sa Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite.
Si Libao ay idineklarang dead-on-the-spot dahil sa malubhang pinsala na tinamo sa katawan dahil sa malakas na impact ng banggaan.
Ang kasama ni Libao na kinilalang si Patrolman Camilo Fernandez, 28 anyos, nakatalaga rin sa PNPA headquarters; ang truck driver na si Aslany Aba, 24 anyos, at mga truck helpers nito na sina Joey Nuoveras, 35 anyos at Montiadora Camacho, 43 anyos, ay pawang malubhang nasugatan sa insidente.
Ang mga biktima ay dinala sa City Medic Hospital.
Sa report, sina Libao at Fernandez ay lulan ng Honda vehicle at papunta sa direksyon ng Paseo de Sta. Rosa nang maaksidente sa Sta. Rosa-Tagaytay Road sa Brgy. Pulong Sta Cruz, Sta. Rosa City, nitong Martes ng alas 3:30 ng madaling-araw.
Sinabi ng pulisya na ang kotse ni Libao ay nag-overtake at inokupahan ang lane ng truck na nagsanhi ng matinding banggaan ng dalawang nabanggit na sasakyan.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.