Bagong CALAX Interchange bubuksan sa kalagitnaan ng 2022

0
338

Bubuksan ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) ang Silang (Aguinaldo) Interchange nito sa ikalawang bahagi ng taong ito, na magpapahaba sa mga operational section ng tollway mula Mamplasan, Laguna, hanggang Aguinaldo Highway sa Silang, Cavite.

Sa kasalukuyan, ang 3.9-kilometrong 2×2 lane na CALAX subsection ay 56 porsiyento ng kumpleto.

Bahagi ng mga ginagawang trabaho ang drainage at bridge construction, excavation at roadway earthworks, at pag-install ng bakod at coco net.

“The Silang (Aguinaldo) Interchange will help decongest the busiest highway in the province of Cavite — the 41-kilometer Emilio Aguinaldo Highway,” ayon sa paliwanag ni Raul L. Ignacio, President and General Manager ng MPCALA Holdings Incorporation (MHI). 

“Motorists from Manila going to the tourist destinations of Silang and Tagaytay, Cavite will benefit from this upcoming project as it offers convenience and shorter travel time,” dagdag pa niya.

Bukod sa Santa Rosa-Tagaytay Road Interchange, ang Silang Aguinaldo Interchange ay magsisilbing alternatibong exit ng CALAX para sa mga motorista sa Metro Manila na pupunta sa TAgaytay City, ang ikalawang summer capital ng bansa.

Ang interchange ay nasa 16 kilometro ang layo mula sa city proper ng Tagaytay sa pamamagitan ng Aguinaldo Highway, at ang oras ng paglalakbay ay humigit-kumulang 20 minuto lamang.

Ang iba pang mga interchange ng CALAX katulad ng Open Canal, Governor’s Drive, at Kawit, ay matatapos sa 2023.

Sa kasalukuyan, ang operational segment ng CALAX ay sumasaklaw ng 14.24-kilometro na may mga interchange sa Greenfield-Mamplasan, Laguna Technopark, Laguna Boulevard, Santa Rosa-Tagaytay, at Silang East.

Kapag nakumpleto, ang CALAX ay kokonekta sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) sa Kawit, Cavite.

Ang CALAX ay isang 45-kilometrong expressway, Public-Private Partnership (PPP) kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang ahensyang nagpapatupad, at may pribadong proponent na MPCALA Holdings Inc. (MHI), isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation ( MPTC), ang toll road development arm ng Metro Pacific Investment Corporation (MPIC).

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.