Bagong chief ng Laguna PPO umupo na

0
243

STA. CRUZ, Laguna. Muling nagsagawa ng pagbabago sa hanay ng mga provincial directors ang Region 4A police command kahapon, kung saan humalili sa pwesto ni Laguna Provincial Police Office Director Col. Randy Glenn Silvio si Pol. Col. Jepo Depositar.

Si Col. Silvio, isang nagtapos ng Philippine National Police Academy, ay naglingkod sa Laguna ng sampung buwan at sampung araw, ayon sa mga tala ng pulisya. Siya ay ililipat sa Manila Police Department bilang ika-4 na pinuno ng Directorial Staff.

Si Col. Depositar ay dating hepe ng pulisya sa lungsod ng Santa Rosa at Makati City noong nakaraang taon. 

Sa Sa turnover of command ceremony, iniabot ni Police Brigadier General Carlito Gaces, direktor ng Police Regional Office Calabarzon ang watawat na ipinasa kay Silvio na isinalin naman kay Col. Depositar.

Sa mensahe na ibinahagi ni Gaces sa harap ng mga mamamahayag at mga opisyal ng local government units, partikular niyang binigyang-pagkilala ang husay at katapangan ni Col. Silvio sa mga kontrobersyal na mga kaso sa buong probinsya na naiulat sa telebisyon, radyo, at pahayagan sa mga kasong mabilis na nahuli ang mga sangkot na kriminal.

Kinakailangan ng bansa ang isang maayos at tahimik na kapaligiran kung saan laging nasa unahan ang kaligtasan ng mga mamamayan, ayon kay Gaces.

Nagpasalamat naman si Col. Silvio sa lahat ng mga hepe ng mga istasyon ng pulisya sa Laguna at sa kanilang mga tauhan sa pagsunod sa kanyang mga direktiba bilang tagapagpatupad ng batas.

Dumalo sa ginanap turnover ceremony sina Laguna Governor Ramil Hernandez, mga alkalde ng lalawigan kasama sina Mayor Patrick Go ng Siniloan, Mayor Rolando Ubatay ng Lumban, at walong iba pa.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.