MAYNILA – Nangako ang incoming Ombudsman at kasalukuyang Justice Secretary na si Jesus Crispin Remulla ng agarang aksyon sa mga kasong may kaugnayan sa imbestigasyon ng korapsyon sa flood control projects sa kanyang pagtanggap sa bagong posisyon.
Sinabi ni Remulla sa mga interview nitong Martes na asahan ng publiko ang mabilis na kilos mula sa kanyang tanggapan hinggil sa mga proyekto sa flood control matapos siyang italaga bilang Ombudsman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Sa rules ng Ombudsman, may fact-finding. Iva-validate namin lahat ng data na isa-submit. ‘Yung mga finile na ng ICI, ‘yung ifa-file ng DOJ (Department of Justice) na with regards to those… Salary Grade 27 and above,” ani Remulla, hinggil sa Marcos-created Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Inirekomenda na ng nasabing independent commission ang posibleng paghahain ng kaso ng graft, malversation, at falsification laban kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at iba pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa P289.5-milyong road dike project sa Mag-Asawang Tubig River sa Naujan, Oriental Mindoro.
Kasama rin sa imbestigasyon ng Ombudsman si Commission on Audit Commissioner Mario Lipana dahil sa umano’y koneksyon niya sa anomalous flood control projects.
“Maaasahan na gagalaw ‘yan nang mabilis. At susubukan nating pabilisin ang proseso. Kasi nga, hindi naman ito lihim na sa atin. Alam na natin ang nangyari kaya bibilisan natin nang kaunti ito,” dagdag ni Remulla.
Itinalaga si Remulla bilang bagong Ombudsman noong Martes, isang araw matapos ilabas ng Judicial and Bar Council ang shortlist para sa posisyon. Papalitan niya si dating Ombudsman Samuel Martires, na nag-expire ang termino noong Hulyo 27. Maglilingkod siya sa isang fixed term na pitong taon nang walang reappointment.
Ayon kay Remulla, sisiyasatin din ng Ombudsman ang mga reklamo laban kay Bise Presidente Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds na nagkakahalaga ng P500 milyon sa Office of the Vice President (OVP) at P112.5 milyon sa Department of Education (DepEd) mula 2022 hanggang 2024.
“Bubuklatin natin. Pag-aaralan at tatanungin natin ‘yung mga may hawak na ngayon, mga may hawak at ‘yung may tungkulin na hawakan ‘yung mga kasong iyon,” ani Remulla.
Ang reklamo ay nagmula sa rekomendasyon ng House committee on good governance and public accountability na maghain ng kaso laban sa bise presidente. Noong Hunyo, iniutos ng Ombudsman kay Duterte at sa siyam na opisyal mula sa DepEd at OVP na tumugon sa mga paratang, at nagsumite na siya ng counter-affidavit bilang tugon.
Samantala, inihayag ni Senadora Imee Marcos, kapatid ng Pangulo, na ang pagtatalaga kay Remulla bilang Ombudsman ay pinaniniwalaang may layuning maparusahan si Bise Presidente Sara Duterte at ang kanyang mga kakampi pagsapit ng 2028.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






