Bagong palusot: ‘Wala na bang bago?’

0
482

“Unshackled by biases” o walang kinikilingan ang mga kabataan, sa paningin ng isang babaeng pinuno. Edad 37 ang chief of staff niya sa Office of the Vice President (OVP). Pinupunto ng Pangalawang Pangulo kay Cito Beltran sa panayam sa TV na nasa kabataan ang “bago.” Youtube caption ng One News PH ukol dito: “Vice President Leni Robredo says the key to innovative and creative ideas in their office is working with the youth, saying it is interesting to listen to different views. She also vows to provide economic empowerment for women should she become the next president.”

Tama naman.

Generalized ito, pero hindi ibig sabihing walang wisdom dito. Hindi nagsisinungaling ang mga bata, sabi nga ng mga matatanda noon (magpahanggang ngayon). Sa gabinete ni Pangulong Duterte, ang socioeconomic planning secretary na siya ring NEDA director-general ay 43 gulang lamang. Tiwala ang dalawang matataas na opisyal ng pamahalaan hindi lamang sa kakayahan ng dalawa nilang tao, kundi maging sa kanila ring kabataan. Ulitin natin: kakayahan at kabataan (ng dalawang tao sa age bracket 36-44). Pero bakit nga ba hanap natin ang mga bago mula sa kabataan? Dalawang maikling tugon:

Una, panahon ng mga bata ang pagtatama sa mali ng nakaraan. Nagkaroon din ako (70-plus na ang inyong lingkod) at ang henerasyon ko ng pagtatama pero sa pangkalahatan, may bagong panahon na ng pagtatama. Hindi basta-basta maniniwala ang kabataan sa pangakong P20 na halaga kada kilo ng bigas sakaling manalo ang mahigpit na katunggali ni VP Leni. Paano naman ang halaga ng palay at gaano kaliit na lamang ang maiiwang kita ng mga magsasaka kung ganoong kababa ang pagbababa ng presyo? Hindi uubra ang pangakong iyan sa kabataan.

Pangalawa, sariwa man o hindi ang alaala ng mga matatandang nakapaligid sa kabataan tungkol sa golden era ng korupsyon pati na ang pinaka madugong rehimen at dapang-dapang ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng isa sa pinaka kinamuhiang diktador sa mundo, meron namang sariwang kaisipan ang kabataan. Nag-iisip. Nagdadalawang-isip. Nangangalap ng impormasyon. At, patuloy na nangangalap at may mas mataas na fact-checking skills kaysa sa mga matatanda sa pangkalahatan.

Katulad ni Tatang Enrile na kung pakalilimiin ang klase ng pagtatanong niya kay VP Leni sa social media post ay sablay naman, handang-handa ang kabataan na magpakahinahon at hindi agad ma-high blood sa patutsada, na doblehin ang pagtse-tsek ng facts ng matanda , na magbalanse at alamin ang mismong tugon ng kampo ng nangungunang babaeng kandidato sa pagkapangulo. Depensa ng mga sumusuporta kay VP Leni, “Mr. Enrile, (Y)ou defend the rich. I defend the poor. We are not the same. Xoxo, Atty. Ma. Leonor G. Robredo, Roll No. 41533.”

Isa sa pinagpapasalamat ng mga bagong botante ngayon si Professor and Senior Expert at International Center for Transitional Justice Ruben Carranza mula sa New York. Sinisipagan niya sa kanyang mga social media accounts ang pagbibigay ng impormasyong makatutulong sa pagpili ng lider bilang dating commissioner ng Presidential Commission on Good Government (PCGG). Tinatiyaga niya ring magbasa ng mga komento at sumasagot sa mga katanungan. Aniya, wala namang “bago” sa PCGG ngayon in the sense na ito’y gaya lamang ng ordinaryong ahensya ng pamahalaan na nagpapasailalim sa mahigpit na auditing procedures ng COA. Pero “bago” rin naman daw parati ang mga tanong at anumang klase ng pag uusisa sa pamilya Marcos lalo na sa pagkandidato ni Marcos Jr. Mananatiling bago –  “bagong bago” pa nga – ang mga usapin ng nakaw na yaman (ill-gotten wealth) ng pamilyang ito. Anumang pag-iwas sa tanong ay katumbas ng bagong rebelasyon sa ikasusulong ng mga kaso laban sa mga Marcos, kaya hindi umubra at patuloy na hindi umuubra ngayon ang palusot na “wala na bang bago?” sa mga tinatanong daw sa tinalo ni Leni noong 2016 sa vice-presidential elections (at kinalauna’y tinalo rin sa recount at sa unanimous decision of all the 15 magistrates of the Supreme Court). Magtataka pa ba tayo sa parating absent sa mga debate at pag-iwas sa mga panayam na ang hanap ay pagbabago pero walang bago kay Marcos Jr. kundi ang magpalaganap ng bagong estilo para mabago ang tingin ng mga Pilipino at mga tao sa buong mundo sa pangalan nilang sila mismo ang dumungis?

Walang bago dahil tuloy ang palusot ng mga Marcos. Ito ang mariin pero tamang punto ng ex-PCGG commissioner na maraming natuklasang kabulastugan sa kanyang pananatili sa Amerika pero mahal pa rin ang bansang tinubuan at boboto pa rin bilang overseas absentee voter (OAV). Kung nakalulusot man sa iba ang palusot ng co-administrator ng estate ni Marcos Sr. na si Marcos Jr., iyon ang hamon sa bagong henerasyon at kailangan nating tumaya sa edukasyon ng kabataan. Nasa moral na awtoridad ba tayo kung itatanong natin sa mga bata kung nag-aaral ba sila ng mabuti kung tayong matatanda nama’y pinipiling mamuno ang minsang nagpakasasa sa kaban ng bayan para mag-aral aralan sa Europa at sa Amerika habang ang iba’y walang pampaaral at gutom?

Sinusuri ng mga appraiser mula sa auction house ng Christie ang isang kuwintas na dating pag aari ni Imelda Marcos. Ang pamilya Marcos ay pinaniniwalaang nagkamal ng bilyon-bilyong dolyar na halaga ng ill-gotten wealth
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.