Bagong silang na baby ninakaw sa ospital: Suspek tinutugis

0
213

BINANGONAN, Rizal. Isang bagong silang na sanggol ang tinangay ng isang hindi kilalang babae na nagpanggap na nurse sa loob ng isang ospital sa bayang ito sa Rizal kamakalawa.

Ayon sa ulat ng Binangonan Municipal Police, naganap ang insidente bandang ala-1:30 ng hapon sa Margarito Duavit Hospital sa Brgy. Darangan. Nagpakilala umano ang babaeng suspek na naka-uniporme ng nurse sa ina ng sanggol at sa lola nito na si Joana Marie Jobillano. Sinabihan ng suspek ang dalawa na dalhin ang sanggol sa laboratoryo para sa newborn screening.

Sinundan ng lola ang utos ng suspek at dinala ang sanggol sa laboratoryo. Ngunit bago pa man makapasok sa loob ng laboratoryo, sinalubong umano sila ng suspek. Iniabot ng suspek ang isang newborn screening form sa lola at inutusan itong papirmahin ang ina. Matapos ito, kinuha ng suspek ang sanggol mula sa lola at sinabing sumunod na lamang sa kanila sa loob ng laboratoryo pagkatapos pirmahan ang form.

Nang pirmahan na ang form ng ina, dinala agad ito ng lola sa laboratoryo ngunit wala na ang nurse at ang sanggol sa loob. Agad nilang inireport ang pangyayari sa nurse station at guwardiya. Isinagawa ang inspeksyon ng CCTV footage at doon nakita na ang suspek ay nakasuot ng itim na jacket at may bitbit na sanggol sa kanyang mga braso habang lumalabas ng ospital.

Hindi pa nakikilala ang suspek na kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad. Inaasahan ang mababawi ng mga pulis si Baby Jobillano at maaaresto ang suspek sa lalong madaling panahon.

Samantala, patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang makuha ang lahat ng kinakailangang impormasyon at mahuli ang salarin.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.