Bagong Taon: Bagong pag-asa, pananagutan, at ang hamon ng 2026

0
2543

Habang nagpapaalam ang lumang taon at sinasalubong ng bansa ang bagong simula, muling bumabalik sa sambayanang Pilipino ang mga salitang madalas inuukit tuwing Enero: pag-asa at pagbabago. Ngunit sa likod ng makukulay na paputok at masiglang pagsalubong sa Bagong Taon, nananatiling mabigat ang tanong na ano ba talaga ang dapat magbago?

Ang pagpasok ng 2026 ay darating sa gitna ng mabibigat na hamon na hindi kayang takpan ng selebrasyon. Patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin, patuloy ang pangamba sa food security, at nananatili ang panawagan para sa pananagutan laban sa korapsyon sa pamahalaan. Para sa maraming Pilipino, ang Bagong Taon ay hindi lamang simbolo ng panibagong simula, kundi pagkakataon upang suriin ang mga aral ng nakaraan.

Sa mga tahanan, nananatiling buhay ang mga tradisyong 12 bilog na prutas sa mesa, pag-iingay, pagsusuot ng polka dots na damit. Ngunit higit pa sa mga ganitong ritwal, ang tunay na diwa ng Bagong Taon ay makikita sa katuparan ng tahimik na mga pangako ng mas maayos na kabuhayan, mas ligtas na komunidad, at mas matatag na kinabukasan para sa pamilya.

Sa pagdaan ng 2025, inaasahang mas mulat at mapanuri ang sambayanang Pilipino, lalo na sa usapin ng pamamahala at halalan. Ang mga kontrobersyang kinasangkutan ng flood control projects, alegasyon ng budget insertion, at papel ng ilang kontratista ay nagsilbing malinaw na paalala sa halaga ng transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.

Sinimulan na ng Gen Z ang pagkilos noong 2025 elections. Nagbukas na sila ng daan para sa matalinong halalan. Dapat itong ipagpatuloy, upang marating natin ang tunay na pagbabago.

Para sa mga manggagawa, ang bagong taon ay pag-asang may darating na mas magandang pagkakataon. Para sa mga magsasaka at mangingisda, ito ay panalangin na maging mas makatarungan ang sistema at mas maramdaman ang suporta. Para sa kabataan, ang 2026 ay panibagong kabanata ng pangarap at hamon ng responsableng pakikilahok sa lipunan.

Mula sa panig ng pamahalaan, inaasahan ng publiko na ang bagong taon ay hindi lamang pagbubukas ng bagong kalendaryo kundi ng mas malinaw na direksyon. Ang panawagan para sa transparency, mahusay na pamamahala, at tapat na serbisyo ay lumakas na dahil sa mga isyung bumalot sa nagdaang taon.

Hindi rin maikakaila na ang mga krisis, mula sa climate-related disasters hanggang sa pandaigdigang tensyon na patuloy na sumusubok sa kakayahan ng bansa na manatiling matatag. Sa ganitong konteksto, ang Bagong Taon ay paalala na ang katatagan ng Pilipino ay hindi lamang nasusukat sa pagtitiis, kundi sa kakayahang manindigan at makilahok sa reyalisasyon ng pagbabago.

Ang mga isyung ito ay nag-ambag sa mas malawak na kamalayan ng publiko na ang pagbabago ay hindi nagmumula sa mga pangako ng liderato, kundi sa aktibong pakikilahok ng mamamayan. Ang pagbabantay, pagtatanong, at paninindigan ay mahalagang bahagi na ng demokratikong proseso.

Ang Bagong Taon ay hindi awtomatikong nagdadala ng swerte at pagbabago. Ito ay imbitasyon sa bawat mamamayan at institusyon na gampanan ang kani-kanilang papel.

Sa 2026, ang tanong ay hindi kung ano ang hinihiling natin para sa bansa, kundi kung ano ang handa nating iambag para dito.

Sa pagharap ng bansa sa 2026, ang Bagong Taon ay may kalakip na pagkakataon upang ituwid ang landas ng pamamahala. Nawa’y magsilbi itong simula ng isang bagong direksyon, isang Pilipinas na mas may pananagutan, mas makatarungan, at mas nakaugat sa interes ng bayan.

Manigong Bagong Taon!

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.