Bagong upong chairman, patay sa baril

0
246

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya. Patay ang isang bagong halal na barangay chairman matapos barilin sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Calitlitan, Aritao, bayang ito, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Police Capt. Manny Paul Pawid, information officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, ang biktima na si Rolando Serapon, 76, na kamakailan lamang nanalo bilang barangay captain sa nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Aritao Police, habang kausap ng biktima ang kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay, biglang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang biktima na noon ay nakaupo, bandang alas-6:45 ng gabi.

Pagkatapos ng pamamaril, mabilis na tumakas ang hindi pa nakikilalang gunman sakay ng motorsiklo. Dinala ang biktima sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ang suspek na nagmotorsiklo ay may katamtamang pangangatawan, nakasuot ng itim na shorts, itim na T-shirt, at berdeng face mask.

Bago naganap ang insidente, dumalo pa ang biktima sa isang seremonya ng turn-over para sa unang araw ng panunungkulan ng mga bagong opisyal ng barangay.

Sa pangunguna ni Pawid, binuo agad ng Philippine National Police (PNP) ang Special Investigation Task Group para imbestigahan ang kaso at alamin ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek sa likod ng nasabing krimen.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.