MAYNILA. Patuloy na lumalakas ang Bagyong Gorio habang kumikilos ito sa Philippine Sea, ayon sa ulat ng PAGASA ngayong Martes, Agosto 12.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 745 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 150 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, mababa ang posibilidad na direktang maapektuhan ng bagyo ang bansa sa susunod na tatlong araw. Gayunpaman, kung bababa ang direksyon nito, posible ang pagtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal sa Extreme Northern Luzon.
Nagbabala rin ang ahensya na magdudulot si Gorio ng katamtamang taas ng alon na aabot sa 2.5 metro sa baybaying dagat ng Extreme Northern Luzon. Pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat o iwasang pumalaot lalo na kung walang sapat na karanasan o kagamitan.
Inaasahang tatama sa silangang baybayin ng Taiwan ang bagyo bukas, Agosto 13, at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng gabi.
Samantala, magdadala ang southwest monsoon o Habagat ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, at Zamboanga Peninsula. Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panaka-nakang pag-ulan o thunderstorm naman ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





