Bagyong Julian, mananalasa hanggang Lunes; 2 LPA at isang bagyo sa labas ng PAR, binabantayan

0
341

MAYNILA. Ganap nang naging Tropical Depression ang isang low pressure area (LPA) sa silangan ng Batanes kaninang alas-2 ng madaling araw, ayon sa PAGASA.

Sa kanilang ulat kaninang alas-4 ng umaga, ang sentro ni bagyong Julian ay nasa layong 525 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes, na may lakas ng hanging 55 kph at pagbugsong umaabot sa 70 kph.

Ayon sa PAGASA, inaasahang lalakas pa si Julian habang patuloy itong gumagalaw. Maaaring maging isang tropical storm ito sa Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga, at posibleng maging isang severe tropical storm sa Linggo, bago tuluyang maging ganap na bagyo sa Martes.

Magsisimula nang maranasan ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa Batanes, Ilocos Norte, at Cagayan sa Sabado. Tinatayang magtatagal si Julian sa karagatan ng silangan ng Batanes at Cagayan sa loob ng limang araw, at posibleng itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga bahagi ng Cagayan Valley ngayong araw.

Si Julian ang ika-sampung bagyo na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong 2024 at pang-anim sa buwan ng Setyembre. Nauna nang iniulat ng PAGASA na inaasahang may 4 hanggang 7 tropical cyclones na papasok o mabubuo sa loob ng PAR sa huling bahagi ng 2024, kabilang ang 2 o 3 bagyo sa Oktubre at 1 o 2 sa Nobyembre at Disyembre.

Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang dalawang low pressure area (LPA) at isang tropical depression na nasa labas ng PAR. Ayon sa ulat ng PAGASA ngayong Huwebes ng alas-2 ng hapon, ang tropical depression ay matatagpuan sa layong 2,635 kilometro silangan ng Central Luzon. Bagamat mabagal ang pagkilos nito, taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 55 kph at may pagbugsong umaabot sa 70 kph.

Isa sa mga LPA ay nakita sa layong 1,460 kilometro silangan ng Eastern Visayas, habang ang isa pang LPA ay matatagpuan sa layong 735 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.

Dahil sa presensya ng mga LPA, inaasahang magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Batanes, habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin, na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog sanhi ng localized thunderstorms.

Ang buong bansa ay makakaranas ng mahina hanggang katamtamang lakas ng hangin at pag-alon sa baybayin.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo