Bagyong Leon, bahagyang lumakas habang nasa Philippine Sea

0
514

MAYNILA. Bahagyang lumakas ang Bagyong Leon (Kong-Rey) habang gumagalaw pakanluran sa Philippine Sea, ayon sa PAGASA noong Linggo ng hapon.

Ayon sa pinakahuling tala ng PAGASA bandang 4:00 ng hapon, namataan ang Bagyong Leon sa layong mahigit na 1,000 kilometro sa silangan ng gitnang Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso ng hangin na hanggang 90 kilometro kada oras, at ito ay kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Ayon sa PAGASA, posible itong makaapekto sa pinakadulong hilagang bahagi ng Luzon depende sa magiging lapit nito habang gumagalaw pahilaga hilagang-kanluran sa Philippine Sea.

“Maaari rin nitong patuloy na maimpluwensyahan ang Southwesterly Windflow na unang pinasigla ng Tropical Storm TRAMI (dating Kristine), na maaaring makaapekto sa Visayas, Mindanao, at kanlurang bahagi ng Katimugang Luzon. Posibleng maglabas ng Weather Advisory sa mga susunod na oras,” ani ng PAGASA.

Inaasahan na maaaring itaas ang Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan Valley at hilagang-silangang bahagi ng Bicol Region sa Linggo ng gabi o Lunes.

Magkakaroon ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa Batanes, Babuyan Islands, Batangas, karamihan ng MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Hilagang Mindanao, at Caraga Region sa Lunes.

Nagbabala rin ang PAGASA tungkol sa maalon na karagatan sa paligid ng Batanes, Kalayaan Islands, Babuyan Islands, hilagang at silangang bahagi ng Cagayan Valley, at Catanduanes. Pinapayuhan ang mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag pumalaot dahil sa peligro ng paglalakbay sa dagat.

“Ang Bagyong Leon ay nananatiling malayo sa kalupaan ng Pilipinas at maaaring dumaan malapit o mag-landfall sa Taiwan o sa timog-kanlurang bahagi ng Ryukyu Islands,” ayon sa PAGASA. Dagdag pa ng ahensya, “Inaasahan na ito ay dahan-dahang lalakas sa susunod na 24 oras at maaaring umabot sa kategoryang severe tropical storm bukas, at posibleng maging typhoon sa Martes. Maari rin itong sumailalim sa rapid intensification.”

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo