Bagyong Nando lumalakas, posibleng maging super typhoon habang papalapit sa Batanes at Babuyan

0
938

MAYNILA. Lalo pang lumakas ang Severe Tropical Storm Nando habang patuloy na kumikilos sa bahagi ng Philippine Sea, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA nitong Sabado ng umaga.

Sa tala ng ahensya kaninang alas kuwatro ng madaling araw, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 780 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora. Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 100 km/h malapit sa gitna at bugso ng hangin na umaabot sa 125 km/h.

Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h at inaasahang magpapaigting ng Habagat habang lumalapit sa kalupaan.

“Wind Signal No. 1 will be hoisted over Northern Luzon within the day, and the highest wind signal that may be hoisted throughout its passage is Wind Signal No. 5,” ayon sa PAGASA.

Inaasahan na lalakas pa ang Nando bilang isang typhoon sa loob ng susunod na 12 oras at posibleng maging super typhoon pagsapit ng Lunes bago ang inaasahang pagtama o pinakamalapit na paglapit nito sa Batanes at Babuyan Islands sa hapon o gabi ng Lunes.

Batay sa forecast track, maaaring lumabas ang sentro ng bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Martes ng umaga o tanghali.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo