MAYNILA. Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm Podul na may lokal na pangalang Gorio, ayon sa PAGASA.
Sa Tropical Cyclone Advisory ng ahensya, bahagyang humina ang bagyo at huling namataan sa layong 1,420 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 100 kilometro kada oras at pagbugso na umaabot sa 125 kilometro kada oras. Inaasahang tatama ito sa northeastern coast ng Taiwan pagsapit ng Miyerkules.
Ayon sa PAGASA, may malaking pagbabago pa sa inaasahang direksyon at lakas ng bagyo mula Lunes hanggang sa pagtatapos ng forecast period, dahil anumang paglipat nito pahilaga o patimog ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa forecast.
Samantala, asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa Ilocos Region, Batanes at Babuyan Islands bunsod ng southwest monsoon o Habagat. Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms naman ang mararanasan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro at Palawan.
Localized thunderstorms ang magdudulot ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms sa nalalabing bahagi ng bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





