Bagyong Tino, pumasok na sa PAR; asahan ang masamang panahon sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao

0
378

MAYNILA – Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang tropical storm na Kalmaegi noong Linggo ng umaga at tinawag ito ng PAGASA na Tino.

Ayon sa ulat ng ahensiya, huling namataan ang sentro ng bagyo kaninang alas tres ng madaling araw sa layong 1,230 kilometro silangan ng Eastern Visayas, na noon ay nasa labas pa ng PAR.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso ng hanggang 105 kilometro kada oras, habang kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Bagaman hindi pa direktang makaaapekto sa bansa ngayong Linggo, sinabi ni DOST-PAGASA weather specialist Obet Badrina na ang trough o ekstensiyon ng bagyo ay magdudulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Northern Samar, Eastern Samar, at Dinagat Islands. Posibleng magdulot ito ng flash flood o pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.

Inaasahang tatama sa kalupaan ng Caraga o Eastern Visayas si Tino sa Martes ng umaga, ayon pa kay Badrina.

“Medyo magiging mabilis ang bagyo at maapektuhan ang malaking bahagi ng Visayas, Northern Mindanao, Southern Luzon, at Bicol,” aniya. Pagkalipas nito, posibleng lumabas si Tino sa West Philippine Sea.

Sa loob ng 24 oras, inaasahang magsisimula nang maramdaman ang epekto ni Tino.
Itataas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Eastern Visayas at Caraga ngayong araw.

Maaaring umabot sa Signal No. 4 ang pinakamataas na babala habang inaasahang lalakas pa si Tino hanggang sa maging typhoon category.

Sa Lunes, posibleng umulan ng 100 hanggang 200 millimeters sa Eastern Samar at Dinagat Islands, habang 50 hanggang 100 millimeters naman sa Catanduanes, Albay, Sorsogon, Northern Samar, Samar, Leyte, Biliran, Southern Leyte, at Surigao del Norte.

Maglalabas din ng gale warning sa Eastern Visayas at Caraga simula Linggo ng gabi o Lunes ng umaga.

Sa Martes, inaasahang makakaranas ng 100 hanggang 200 millimeters ng ulan sa Masbate, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Leyte, Southern Leyte, Biliran, Cebu, Negros Occidental, Iloilo, Capiz, Aklan, Guimaras, at Dinagat Islands.
Samantala, 50 hanggang 100 millimeters ng ulan ang posibleng maranasan sa Romblon, Marinduque, Oriental Mindoro, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Antique, Negros Oriental, Bohol, Siquijor, Surigao del Norte, Agusan del Norte, Camiguin, Misamis Oriental, Lanao del Norte, Misamis Occidental, at Zamboanga del Norte.

Ayon sa PAGASA, patuloy na nakaaapekto ang shear line sa silangang bahagi ng Northern at Central Luzon, habang ang Northeast Monsoon (Amihan) ay umiiral sa nalalabing bahagi ng Northern Luzon.

Makakaranas ng maulap na kalangitan na may mga pag-ulan ang Ilocos Region at Batanes dahil sa Amihan, na maaaring magdulot ng flash flood o pagguho ng lupa.

Ang Cordillera Administrative Region, Aurora, Quezon, at natitirang bahagi ng Cagayan Valley ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa shear line.

Sa kabilang banda, Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng generally fair weather sa umaga, na may posibilidad ng partly cloudy hanggang cloudy skies at isolated rain showers o thunderstorms sa hapon o gabi.
Sa panahon ng malalakas na thunderstorms, posible rin ang flash flood o landslide.

Kondisyon ng karagatanInaasahang moderate hanggang rough ang mga baybaying dagat sa Northern Luzon at silangang bahagi ng Central at Southern Luzon, habang moderate naman sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay magkakaroon ng slight hanggang moderate na karagatan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo