Bahay ng magsasaka ni-raid: Malalakas na armas at droga nasamsam

0
187

Sariaya, Quezon. Arestado ang isang magsasaka matapos mahulihan ng matataas na kalibre ng baril at iligal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon sa isinagawang raid ng Sariaya Municipal Police Station kamakalawa ng umaga sa Sitio Masay, Barangay Morong, sa bayang ito.

Kinilala ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Ledon Monte ang naaresto na si Leonardo Alcala, 46 anyos na residente ng nasabing lugar.

Batay sa ulat, isinagawa ng mga operatiba ng Sariaya Municipal Police Station sa pangunguna ni Lt.Col. Rommel Sobrido kasama ang 1st Quezon Police Mobile Force Company (QPMFC) ang operasyon sa bahay ng suspek bandang  alas-6:55 ng umaga.

Sa bisa ng Search Warrant na inisyu ni Executive Judge Agripino Bravo ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Lucena City, isinagawa ng mga awtoridad ang thorough search sa bahay ng suspek. Natagpuan nila ang sumusunod: dalawang colt caliber .45 pistol, anim na magazine ng caliber .45, dalawang caliber .30 rifle carbine, isang caliber .22 rifle (converted), isang piraso ng weighing scale, isang sling bag na kulay violet, at sling bag na kulay itim at dilaw. Bukod dito, nakuha rin nila ang siyam na plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 52.3 gramo at nagkakahalaga ng P1,066,920, pati na rin ang P10,500 na cash.

Ang pagpapatupad ng search warrant ay ginanap nang maayos at mapayapa sa harap ng mga barangay officials.

Nakakulong na sa municipal jail ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10951 at RA 9165. Ang mga kasong ito ay kaugnay ng pagkakaroon ng ilegal na armas at paglabag sa mga batas sa droga.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.