MAYNILA. Dalawa lamang sa 12 luxury cars na sakop ng search warrant ang natagpuan ng Bureau of Customs (BOC) sa bahay ng pamilya Discaya sa Pasig City kahapon.
Ayon kay BOC Chief of Staff Jek Casipit, dalawang ulit nilang sinubukang magsilbi ng search warrant Lunes ng gabi, alas-9 at alas-10, ngunit hindi sila pinayagang makapasok sa compound. Kahapon lamang sila nakapasok, ngunit dalawang sasakyan lamang ang kanilang natagpuan, ang Land Cruiser at Maserati.
Sakop ng warrant ang 12 luxury cars na walang import entry records sa BOC kabilang ang Cadillac Esplanade, Toyota Tundra, Toyota Sequoia, Rolls-Royce Cullinan, Mercedes-Benz, Lincoln Navigator 2021 at 2024, Maserati Levante, at Bentley Bentayga. Ayon sa BOC, bahagi ang raid sa imbestigasyon kung may anomalya sa pag-angkat ng mga sasakyan ng pamilya Discaya. Kung maayos ang rehistro at nabayaran ang duties at taxes, hindi kukumpiskahin ang mga sasakyan. Kung walang maipakitang dokumento, bibigyan ang pamilya ng 15 araw para isumite ang mga ito. Nakipag-ugnayan na rin ang BOC sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) para hanapin ang iba pang luxury vehicles.
Samantala, ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, aabot sa 80 ang bilang ng sasakyan ng pamilya Discaya kabilang ang 40 luxury vehicles. Sinabi ni Estrada na maliwanag na nagsinungaling si Sarah Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa flood control projects nang sabihin niyang nasa 40 lamang ang kanilang sasakyan. Batay sa rekord ng Land Transportation Office (LTO), nasa 63 ang nakatalang sasakyan ng mga Discaya, kabilang ang Rolls Royce Cullinan, Bentley Bentayga, 2 GMC Yukon Denali, Cadillac Escalade, Mercedes Benz Wagon G63, at Range Rover Evoque. May tatlo ring sasakyan na binanggit ngunit wala sa LTO records at walong iba pang sasakyan na hindi nakatala sa LTO. Mayroon pang anim na mamahaling sasakyan, kabilang ang Volvo XC-90, Mercedes Benz GLS, at isang Maserati, ayon sa tanggapan ni Estrada.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






