Bakla pinatay sa sakal ng isang grade 7 na binatilyo

0
607

SAN PASCUAL, Batangas. Patay ang isang 28-anyos na encoder matapos siyang sakalin ng isang 16 anyos na estudyante dahil sa diumano ay pamimilit  sa kanya na makipag-sex.

Matapos mapatay sa sakal, itinapon ang bangkay ng biktima sa isang bangin sa Brgy. del Pilar, San Pascual, Batangas.

Dahil sa ilang araw na pagkawala, hinanap at natagpuan na ng mga pulis ang naagnas na bangkay na kilalang si Jake Pamudulan, 28 anyos, isang empleyado ng Troy Daniel Trucking Service, sa madamong bahagi ng bangin sa Brgy. del Pilar kahapon ng madaling-araw.

Dahil menor de edad ang suspek na isang grade 7 student, nasa pangangalaga siya ngayon ng Batangas Social Welfare and Development Office.

Ayon kay Corporal Kristian Joseph Gonzales ng San Pascual Municpal Police Station, ang opisyal na humahawak ng kaso, natagpuan nila ang bangkay ng biktima sa tulong din ng suspek, matapos nitong ituro ang lugar kung saan niya itinapon ang katawan.

Noong Sabado ng gabi, nagtungo sa police station si Juven Pamudulan, kapatid ng biktima, at inireport ang pagkawala ng kanyang kapatid matapos hindi na makauwi sa kanilang bahay noong ika-3 ng Agosto.

Dahil sa pag-alala sa kalagayan ng biktima, nag-post ng litrato ng kapatid sa social media ang pamilya at mga kaibigan nito. Dahil dito, nagreport ang suspek sa isang barangay official sa Brgy. Pook Na Banal na nakita niya ang motorsiklo ng biktima sa lugar ng Brgy. Del Pilar.

Dahil sa mga sumbong na ito, isinailalim sa mahigpit na imbestigasyon ng mga pulis ang suspek sa harap ng kanyang ama, kung saan aminin ng estudyante na siya ang responsable sa pagkamatay ng nawawalang biktima.

Ayon sa pahayag ng suspek, pinilit siya ng biktima, na ayon sa kanya ay isang bakla, na magtalik sila na humantong sa isang mainitang pagtatalo.

Nagkumpisal ang suspek na dahil sa galit ay sinakal niya hanggang mamatay ang biktima at itinapon ang bangkay nito sa bangin noong gabi ng Agosto 3.

Tumakas ang binatilyo gamit motorsiklo ng biktima at iniwan ito ilang kilometro lamang ang layo mula sa Brgy. Pook Na Banal.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.