Bakuna vs ASF inindorso ng BAI

0
193

Inirekomenda ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa Food and Drug Administration (FDA) ang bakunang Avac na gawa sa Vietnam bilang proteksyon laban sa African Swine Fever (ASF).

Sa isang press conference noong Biyernes, Hunyo 2, ibinahagi ni BAI Assistant Director Dr. Arlyn Asteria Vytiaco na nagsumite na sila ng isang letter of recommendation sa FDA matapos masuri ang kaligtasan at epektibo ng bakuna sa mga clinical trial na isinagawa sa anim na farm sa Luzon.

Ayon sa BAI, napagtanto sa mga clinical trial ang pagtaas ng antas ng antibodies laban sa ASF sa lahat ng mga sample na ginamit sa pag-aaral.

Bago payagang ipasok bilang imported product, kinakailangan ng Avac ang isang certificate of product registration.

“Napakalaking tulong ng bakunang ito sa pagkontrol ng ASF dahil alam nating patuloy itong kumakalat. Maraming mga may babuyan ang naghihintay nito,” sabi ni Dr. Vytiaco.

Kapag aprubado na, ang BAI ay mag-iimport ng humigit-kumulang na 600,000 doses mula sa isang vaccine manufacturer sa Vietnam.

Ang “Avac” vaccine ay isang bakuna na iniiniksyon lamang sa mga baboy na may edad na apat hanggang sampung linggo.

Inaasahan na ilalabas ang mga patakaran para sa pag-rollout ng bakuna matapos maglabas ng Certificate of Product Registration ang FDA.

Ayon kay Dr. Vytiaco, hindi ito magiging sapilitan, ngunit hinihimok ang mga nag-aalaga ng baboy na kumuha ng bakuna kapag ito ay magiging commercially available na.

Ang mga detalye ng presyo ay ipapahayag din, ngunit tiniyak ng Department of Agriculture na magiging abot-kaya ito kahit na sa mga maliliit na backyard raisers.

“Tiyak naming magiging abot-kaya ito para sa mga nag-aalaga ng baboy,” sabi ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez.

Samantala, susuriin din ng FDA ang bisa ng bakuna.

“Natanggap lamang ng FDA ang aplikasyon ngayong umaga at ito ay susuriing mabuti. Kung pasado ito. Pabibilisin ng FDA ang pagsusuri sa isinumiteng dokumento upang matukoy ang kalidad, kaligtasan, at bisa ng ASF vaccine,” ayon kay Atty. Job Aguzar, tagapagsalita ng FDA.

Base sa datos ng pamahalaan, mayroong aktibong kaso ng ASF sa 15 probinsya sa bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo