Ban sa e-bike, e-trike sa mga main roads, palalawigin ng LTO

0
268

MAYNILA — Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na palalawigin pa nito ang ipinatutupad na pagbabawal sa pagdaan ng mga e-bike at e-trike sa mga pangunahing lansangan sa bansa, kasabay ng pagbalangkas ng mas malinaw at mas mahigpit na panuntunan para sa mga light electric vehicle.

Ayon kay LTO Officer I Jerome Rodriguez, nakatakdang maglabas ang ahensya ng isang bagong circular memorandum na magtatakda ng updated guidelines para sa operasyon ng mga e-bike at e-trike. Posible umanong mailabas ang nasabing panuntunan ngayong buwan o sa Pebrero, matapos makuha ang pinal na pag-apruba ng Department of Transportation (DOTr).

“Hinihintay na lamang namin ang pirma ng Department of Transportation bago ilabas ang bagong circular memorandum,” pahayag ni Rodriguez sa ginanap na Quezon City Journalists Forum nitong Enero 13.

Isa sa mga pangunahing probisyong isinasaalang-alang ng LTO ay ang pagsasama ng mga light electric vehicle sa opisyal na kategorya ng mga sasakyang nangangailangan ng lisensiya, bilang bahagi ng mas malawak na hakbang para mapabuti ang kaligtasan sa kalsada at maayos ang daloy ng trapiko.

Kaugnay nito, sinabi ni Marlyn Allanigue ng Philippine Association of LTO-Accredited Driving Schools na nakapagtala ang kanilang asosasyon ng humigit-kumulang 14,000 insidente ng road crash, kung saan kabilang ang mga kinasasangkutan ng e-bike at e-trike.

Binigyang-diin ni Allanigue ang pangangailangan sa mahigpit na regulasyon sa mga gumagamit ng naturang sasakyan, dahil marami umano sa mga ito ang hindi dumaan sa mga training at seminar ng LTO hinggil sa wastong paggamit ng kalsada at ligtas na pagmamaneho.

“Dumarami ang mga motorsiklo, e-bike, e-trike at maging ang mga four-wheel vehicles. Ang patuloy na pagtaas ng volume ng sasakyan sa mga lansangan ang nagiging ugat ng maraming problema sa trapiko at kaligtasan,” ani Allanigue.

Nilinaw ng LTO na layon ng mga panukalang patakaran na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, habang binabalanse ang lumalaking paggamit ng mga alternatibong sasakyan sa urban at suburban na lugar.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo