Bangkay natagpuan sa bangin sa Batangas

0
262

BALAYAN, Batangas. Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan sa isang 10 metrong lalim na bangin sa Barangay Tanggoy, sa bayang ito sa Batangas. Ang bangkay ay nakasilid sa sako at nasa advanced stage na ng decomposition, ayon sa mga awtoridad.

Ayon sa ulat, isang concerned citizen ang nakakita sa bangkay na may nakausling paa mula sa sako, kaya agad itong nagreport sa himpilan ng pulisya.

“Nakasuot po siya [yung bangkay] ng black shorts at shirt, tapos may tattoo po sa kanang braso pati sa kaliwang braso,” pahayag ni PLTCOL. Merlin Pineda, Officer in Charge ng Balayan Police Station.

Natuklasan din na nagtamo ng ilang saksak ang katawan ng biktima, na nagpatibay sa hinala ng mga awtoridad na posibleng itinapon sa lugar ang biktima pagkatapos patayin.

Agad inilipat ang bangkay sa isang punerarya sa Balayan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso. Hinimok ni Pineda ang mga residente na mag-ulat kaagad sa pulisya sakaling makakita ng mga kahina-hinalang bagay o pangyayari.

Ang insidenteng ito ay nagbigay ng alarma sa mga residente ng Barangay Tanggoy at sa buong Balayan. Patuloy na naghahanap ng impormasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang mga responsable sa krimen.

Para sa anumang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Balayan Police Station upang makatulong sa mabilis na paglutas ng kasong ito.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.