Bangkay ng dalawang bata natagpuan sa loob ng sasakyan

0
233

STO. TOMAS, Pampanga. Isang malungkot na insidente ang yumanig sa Barangay San Matias, sa bayang ito sa Pampanga matapos matagpuan ang bangkay ng dalawang batang magkapatid na edad lima at anim sa loob ng isang kotse. Natagpuan ang mga bangkay sa isang open parking space na 500 metro ang layo mula sa kanilang bahay matapos makatanggap ng report ang Philippine National Police mula sa mga concerned citizen.

Ayon sa ina ng mga bata, huling nakita niya ang kanyang mga anak noong Hulyo 6 nang pinakain niya ito ng tanghalian. Sa pag-aakalang kinuha ng kanyang asawa ang dalawang bata na nakatira sa ibang barangay, hindi na nag-alala ang ina kahit hindi na niya ito nakita nang gabi.

Nalaman na lamang ng ina nitong hapon na nawawala ang kanyang mga anak nang makita ang mga labi ng mga ito. “Bago sila mawala pinakain ko muna. Nawala po, akala ko nandoon sila sa tatay nila. Hindi ko alam napunta sila diyan,” ani Daina Castor, ang ina ng mga bata.

Samantala, sinabi ng ama na hindi niya dinala ang kanyang mga anak dahil huli niyang nakita ang mga ito noong Hunyo. Dagdag pa niya, hindi niya kukunin ang kanyang mga anak nang hindi sinasabi sa kanilang ina.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente. “Nakita ko, ako personally, nangangamoy na. So ibig sabihin, matagal na silang patay. Ito ongoing pa yung SOCO (Scene of the Crime Operatives) natin nagpo-process ng crime scene. Initial [ano] po namin wala pong nakitang foul play,” ani Police Captain Jester Calis, chief ng Sto Tomas Police Station.

Inaasahan ng mga awtoridad ang resulta ng autopsy sa Martes upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng mga bata.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.