ALAMINOS, Laguna. Natagpuan sa isang construction site sa bayang ito noong Sabado ang mga labi ng mag-live-in partner na dinukot sa Lucena City, Quezon.
Ayon sa Lucena City Police, kinilala at kinumpirma ng mga kaanak batay sa tattoo at iba pang palatandaan na ang dalawang bangkay ay ang nawawalang magkasintahan.
Kilala ang mga biktima na sina Loloy Sagala, 50-anyos, mula sa Barangay Marketview, at ang kanyang live-in partner na si Annvel Alvelez, 40 anyos, na tubong Bohol. Ayon sa pahayag ng pulisya, sakay sila ng isang kulay asul na motorsiklo sa Barangay Road noong Biyernes ng hapon. Ayon sa saksi na nang sila ay makarating sa Del Maro Resort sa Barangay Ibabang Iyam, Lucena City, hinarang sila ng isang kulay puting van at sapilitang isinakay.
Batay sa ulat ng Alaminos Police sa Laguna, natagpuan ang mga bangkay sa TR4 Road sa Barangay San Miguel alas-7:20 ng umaga noong Sabado.
Ang dalawang biktima ay parehong nakatali ang kamay sa likuran at ang kanilang mga ulo ay nakabalot sa packaging tape nang matagpuan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Alaminos at Lucena Police hinggil sa krimen na ito.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.