Bangkay ng lalaking hubad natagpuang nakasilid sa garbage bag

0
304

LAUREL, Batangas. Natagpuan ang bangkay ng isang lalaking hubad at nakasilid sa isang garbage bag sa bayang ito sa Batangas noong Sabado ng gabi.

Ayon sa deskripsyon ni Major Edgar Sumadsad, hepe ng Laurel Police Municipal Police Station, ang hindi pa nakikilalang lalaki ay isang Pinoy, may katamtamang pangangatawan, at nasa edad na 30 pataas.

Ayon kay Sumadsad, natuklasan ng isang drayber ng trak ang biktima na nakabalot sa isang garbage bag na walang damit at maraming masking tape sa ulo, leeg, at mga kamay.

Idinagdag ng opisyal na posibleng pinatay ang biktima sa ibang lugar o kalapit na bayan at itinapon sa Brgy. Ticub upang lituhin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen.

“Walang natagpuang identification card, hubad at walang tama ng bala o saksak sa katawan ang biktima pero lumalabas na pinaslang ito at tinapon sa nasabing lugar. Ang bangkay ay hindi pa naaagnas,” pahayag ni Sumadsad.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at kasalukuyang iniipon ng pulisya ang mga nakunan ng closed circuit television (CCTV) camera sa entrance at exit ng barangay upang makatulong sa paglutas sa krimen.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.