Banta ng China: Milyong Pinoy posibleng mawalan ng trabaho

0
152

MAYNILA — Nagbabala ang Chinese Embassy sa Maynila na ang mga hakbang ng ilang senador laban sa kanilang mga diplomat ay maaaring magdulot ng seryosong epekto sa ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas at China, kabilang ang posibilidad na mawalan ng milyon-milyong trabaho ang mga Pilipino.

Inilabas ang pahayag sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Beijing at mga mambabatas ng Pilipinas kaugnay ng nagpapatuloy na usapin sa West Philippine Sea.

Sa pahayag ni Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng, binatikos nito ang panukala ng ilang senador na ideklarang “persona non grata” ang Chinese diplomat o i-recall ang Chinese ambassador. Ayon kay Ji, ang anumang hakbang na maaaring makasira sa relasyong diplomatiko ng dalawang bansa ay may kaakibat na malaking epekto sa ekonomiya.

“Any serious damage to diplomatic relations, including downgrading of those relations, would cost millions of jobs,” ani Ji, na nanawagang isaalang-alang ang posibleng economic impact at maging maingat sa mga aksyon kaugnay sa diplomatic matters.

Dagdag pa niya, “When it comes to serious diplomatic affairs, some politicians behave like children playing house. Could they at least try to act like adults?”

Ang pahayag ng embahada ay kasunod ng Resolution No. 256 ng Senado na kumokondena sa pahayag ng isang opisyal ng Chinese Embassy na pumuna sa mga opisyal ng Pilipinas dahil sa pagtatanggol sa pambansang soberanya at mga karapatan sa karagatan.

Samantala, inalmahan ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang pahayag ng Chinese Embassy, na inilarawan niyang isang uri ng pangho-hostage sa ekonomiya. Iginiit ng mambabatas na dapat tiyakin ng pamahalaan ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipinong naninirahan sa China, Macau, at Hong Kong sakaling maulit ang tinawag niyang “hostage diplomacy,” tulad umano ng sinapit ng tatlong Pilipinong nakulong doon dahil sa kasong pang-e-espiya.

Umaasa rin si Cendaña na babawiin ng Chinese Embassy ang naturang pahayag at iiwasan ang paggamit ng mga mapagbantang salita, bagama’t sinabi niyang hindi na bago ang ganitong asal mula sa China.

Binalikan din ng solon ang insidente noong 2011 kung saan nagpatupad umano ang China ng ban sa pagpasok ng mga ini-export na saging at pinya mula sa Pilipinas bilang tugon sa standoff sa Bajo de Masinloc.

Dahil dito, nanawagan si Cendaña sa mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan na kumilos upang maprotektahan ang ekonomiya ng bansa laban sa posibleng panggigipit mula sa China.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.