Barangay Chairman, arestado sa mga baril at bala

0
237

NAGCARLAN, Laguna. Inaresto ng pinagsamang puwersa ng Nagcarlan, Laguna PNP at CIDG-Batangas ang isang Barangay Chairman sa Laguna matapos nitong bentahan ng baril at mga bala ang police poseur buyer sa entrapment operation kahapon sa loob mismo ng barangay hall sa Barangay Wakat, sa bayang ito.

Kinilala ni Police Colonel Harold Depositar, direkto ng Laguna Provincial Police Office ang suspek na si Chairman Renato Acosta, 61 anyos, at residente ng Purok 5 ng nabanggit na barangay.

Ayon sa report ni Police Major Gabriel Ayon, Nagcarlan Municipal Police Station chief, ang isinagawang buy-bust ay bahagi ng OPLAN Paglalansag ng PNP laban sa mga loose firearms at ammunitions na maaaring magamit ng mga gun-for-hire groups sa darating na Barangay at SK elections.

Ayon sa pahayag ng mga CIDG operatives, nagbebenta ng baril si Acosta sa pamamagitan ng online selling gamit ang cellphone, kung saan tinatawagan umano nito ang kanyang mga kliyente.

Sa ikinasang buy-bust ng mga pulis, nakuha kay Acosta ang 1 unit ng caliber 45 semi-automatic rifle; 1 unit ng caliber 45 pistol model 1911; 2 piraso ng magazine para sa caliber 45 pistol; 1 piraso ng steel magazine para sa caliber pistol; 6 na magazines ng live ammunitions; 10 piraso ng live ammunitions para sa caliber 45; 5 piraso ng live ammunitions; at mahigit sa 70 libong pisong cash at 1 unit ng Huwei android cellphone.

Bukod sa mga nabanggit na mga baril at bala, nakuha din kay Acosta ng isang caliber 45 pistol na ayon sa kanya ay ginagamit niya sa kanyang mga opisyal na lakad.

Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa CIDG Batangas custodial cell habang inihahanda ang kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Act.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.