Barangay chairman na lumalabang konsehal, patay sa pananambang

0
871

San Fernando, Pampanga. Patay ang isang barangay chairman na kandidato sa pagka-konsehal matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang gunmen sa Brgy. Maglinam, lungosd na ito kaninang umaga, Abril 30.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Alvin Mendoza.

Kinondena ni Police Regional Office 3 Regional director Brig. Gen. Matthew Baccay ang pagpatay sa barangay chairman iniutos ang masusing imbestigasyon sa kaso.

“We are exerting all means to get to the bottom of this unfortunate incident and we are now in the process of gathering pieces of evidence that will lead us to the identification of the culprit/s,” ayon kay Baccay.

Tiniyak din ni Baccay sa publiko, gayundin sa pamilya ng biktima, ang kanilang buong pangako na tiyakin ang agarang pagresolba ng kaso sa pamamagitan ng tamang imbestigasyon.

Si Mendoza ay sakay ng kanyang kotse at patungo sana sa Brgy. Maglinam nang salakayin siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng Purok 3 sa nabanggit ding barangay.

Isinugod si Mendoza sa San Fernando Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival, ayon sa report ng pulisya.

Sinabi ni Baccay na bagama’t binibigyan niya ng importansya ang lahat ng mga kaso, ang partikular na insidenteng ito ay ituturing bilang pangunahing priyoridad sapagkat isang lokal na opisyal ang sangkot.

“Patuloy kaming humihingi ng suporta sa publiko. Kung mayroon kayong anumang impormasyon na makakatulong sa mabilis na paglutas ng kasong ito, huwag mag-atubiling lumapit at mangyaring mag-ulat sa pinakamalapit na istasyon o sa pamamagitan ng PNP hotline 09985985330/09176235700,” ayon sa tagubilin ni Baccay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.