Barangay Chairman sa Laguna, itinumba

0
160

CALAMBA CITY, Laguna. Patay ang isang acting barangay chairman matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem killers sa harap ng gate ng kanyang bahay sa Barangay Canlubang sa lungsod na ito, kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat ng Calamba City Police Station, ang biktima na si Mario Jun Cogay, 63-anyos, officer-in-charge ng Barangay Canlubang, ay nasawi habang dinadala sa Global Care Medical Center of Canlubang dahil sa maraming tama ng bala sa dibdib.

Sinabi ng apo ni Cogay na habang ito ay nasa balkonahe at umiinom ng kape, napansin nito na umaapaw na ang tubig ng timba sa loob ng kanilang bahay. Upang patayin ito, lumabas siya sa gate para isara ang gripo. Sa pagkakataong ito, dumating ang dalawang hindi kilalang salarin sakay ng motorsiklo.

Agad na nilapitan ng isa sa mga suspek na may dalang 9mm na baril, habang ang isa naman ay nagbantay. Pinagbabaril ng malapitan ang biktima, at nang tumba na ito, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa Asia 1, Canlubang. Makalipas ang ilang sandali, bumalik pa ang mga suspek at pinaulanan ng maraming putok ng baril ang biktima.

Ayon sa pamilya, nakatanggap si Cogay ng mga death threats matapos siyang italaga bilang acting barangay chairman ng Barangay Canlubang. Sinabi ni Lt. Col. Arnel Pagulayan, deputy provincial director for operations, na bumuo na sila ng special investigation team para imbestigahan ang kaso ni Cogay sa ilalim ng Elected Government Official (EGO) program.

Ang pulisya ay kasalukuyang nagsasagawa ng crime mapping at back-tracking investigation sa lugar ng insidente. Bagamat hindi pa tukoy ang motibo ng krimen, sinabi ni Pagulayan na tinitingnan ng mga imbestigador ang lahat ng anggulo, kabilang na ang posibleng “pulitika.”

Natuklasan na si Cogay ang number one barangay councilman sa huling barangay election, ngunit dahil sa nakabinbing disqualification cases, hindi siya iprinoklama ng Comelec. Si Cogay ay itinalaga bilang OIC barangay chairman ng Canlubang hanggang sa maayos ang kanyang disqualification case.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.