MEYCAUAYAN CITY, Bulacan. Patay ang tatlo habang isa ang sugatan matapos na umatake ang dalawang armadong lalaki at pinaulanan ng bala ang isang barangay hall, sa lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Col. Relly Arnedo, Bulacan Provincial Police Director, naganap ang insidente bandang alas- 8:10 ng gabi sa gusali ng barangay hall ng Brgy. Bahay Pare.
Nakatanggap ng tawag ang istasyon ng pulis-Meycauayan mula sa mga taga-Brgy. Hall ng Bahay Pare na may nagaganap na barilan sa kanilang lugar.
Nang rumesponde ang mga pulis, inabutan nila ang dalawang suspek na pinauulanan ng bala ang barangay hall.
Agad na nagpaputo ang mga rumespondeng pulis na nagbunsod ng engkuwentro. Nakilala ang isa sa dalawang suspek na si Jerome Almorasa y Ballares
Napatay ng mga pulis ang dalawang suspek samantalang patay din ang isang barangay tanod na nakilalang si Rodolfo Santiago at nasugatan ang isang Marvin Rivera na nilalapatan pa ng lunas sa isang ospital.
Ayon kay Isagani Bargola Jr., tanod ng Brgy. Bahay Pare at testigo sa naganap na barilan, bigla na lamang umanong pinagbabaril ng dalawang suspek ang nasabing barangay hall sa hindi malamang dahilan.
Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang Cal .45 pistol at dalawang magazine.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril ng dalawang suspek.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.